May bisyong mister makakasama pa rin for life dahil nakatadhana sa isa’t isa
- Maestro Honorio Ong
- Feb 6, 2020
- 2 min read
Maestro Honorio Ong
Katanungan
Gusto ko nang iwanan ang asawa ko dahil may bisyo siya. Ang problema, naaawa ako sa dalawa naming anak. January 2, 1989 ang kaarawan ko at May 16, 1990 naman ang mister ko.
Magtatagal ba kami ng asawa ko? Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin, kaya sana ay matulungan n’yo ako.
Kasagutan
May parang hugis-bilog ang isang Marriage Line mo sa kaliwang palad (Drawing A. 1-M arrow a.), pero dalawa sa kanang palad ang Marriage Line na kapwa maayos at maganda (Drawing B. 1-M arrow b. at 2-M arrow c.).
Ibig sabihin, dahil may bilog o island ang Marriage Line sa kaliwang palad (arrow a.), ito ay tanda na sadyang magkakaroon ng problema sa iyong buhay-pag-aasawa, subalit, dahil wala namang bilog o island sa kanang palad (arrow b. at c.), nagpapahiwatig ito na maaari mo pang isalba ang inyong pamilya kung gugustuhin mo talaga.
3. Dahil dalawa ang Marriage Line sa kanang palad, isang maikli (arrow b.) at isang mahaba (arrow c.), ito ay tanda na kung dalawang beses ka nang nakikipagrelasyon nang seryoso at totohanan, ibig sabihin ay quality at long engagement relationship ito at ang kasalukuyan mong asawa ang pangalawa, malaki ang tsansa na mapanatili at maisalba mo pa ang inyong pamilya na madali namang kinumpirma ng zodiac sign mong Capricorn at zodiac sign na Taurus ng iyong mister kung saan ang Capricorn na may elementong earth o lupa ay compatible sa Taurus na nagtataglay din ng elementong earth o lupa.
Ang muli ninyong pagkakasundo na kung gugustuhin mo talaga ay madaling kinumpirma ng birth date mong 2 at birth date na 16 o 7 (1+6=7) ng iyong asawa.
Ang mga birth date na 2 at 7 sa aktuwal na senaryo ay palaging nagkakatuluyan at nagsasama habambuhay sapagkat ang birth date na 2 (kabilang din ang 11, 20 at 29) at 7 (kabilang din ang 16 at 25) ay tunay na compatible sa isa’t isa.
Mga Dapat Gawin
Ibig sabihin, Nikki, ayon sa iyong mga datos, nasa iyo ang pagdedesisyon kung pananatilihin mo pang buo ang inyong pamilya, kaya hindi nagkabilog ang Marriage Line sa kanan mong palad (2-M arrow c.) at humaba pa nang husto ang nasabing guhit ng pag-aasawa.
Sa sandaling pinatawad mo at muli mong tinanggap ang iyong asawa, basta nangako siyang magbabago, magpapakatino at hindi na magbibisyo pa, tiyak ang magaganap ngayong taon ding ito ng 2020, muling mabubuo at magiging maligaya ang inyong pamilya habambuhay.




Comments