Magkakalat, tutuluyan.. Fake news sa nCoV, 12 years kulong
- V. Reyes
- Feb 6, 2020
- 1 min read

Maaaring makulong ng anim hanggang 12 taon ang sinumang mapatutunayang nagpapakalat ng fake news tungkol sa nCoV.
Ito ang babala ni Capt. Jeck Robin Gamad, tagapagsalita ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police, kasabay ng pahayag na may na-trace silang anim na fake news na kumakalat ngayon sa social media.
Ayon kay Gamad, kapag na-monitor nila ang fake news ay bineberipika nila ito sa official sources at kung mapatunayang peke ay inire-report nila sa Facebook Philippines para alisin ang orihinal na post.
Ang taong una at pinagmulan ng social media post ang mananagot sa paglabag sa Presidential Decree 90 o “Unlawful Rumor Mongering and Spreading of False Information”. Dahil aniya sa Republic Act 10175 o Anti-Cybercrime Law, sa halip na prison correctional ay aakyat ang kaparusahang pagkakakulong sa prison mayor.
Idinagdag ni Gamad na pupuwedeng mapanagot din ang mga nag-share ng fake news kaya inaabisuhan ang publiko na iwasan nang magpakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon sa social media.





Comments