top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Klase sa mga Chinese school, suspendihin na dahil sa nCoV

  • Kuya Win Gatchalian
  • Feb 6, 2020
  • 2 min read

Ilang linggo na ang nakararaan mula nang pumutok ang balita tungkol sa pagkalat ng 2019 novel coronavirus o 2019 nCoV. Ngayong may kumpirmadong kaso na ng nasabing virus sa Pilipinas at may isa nang namatay, talagang hindi maiwasang mangamba ang bawat isa na baka makompromiso ang kalusugan ng mga Pinoy, kaya dapat doble-ingat tayo laban sa naturang global health crisis.

Isang 38-anyos na babae mula sa Wuhan, China na dumating noong Enero 21 sa Pilipinas ang unang kaso ng virus sa bansa. Sa kasawiang-palad, ang kasama nitong 44-anyos na lalaki ang unang kaso ng patay dito sa bansa at pinakauna naman sa labas ng China.

Samantala, kahapon, kinumprima ng DOH ang pangatlong kaso nito. Ang 60-anyos na babae na mula rin sa Wuhan, China na dumating sa bansa noong January 20.

Habang isinusulat ang kolum na ito, umabot na sa 67 ang bilang ng mga inoobserbahan o ang tinatawag na “persons under investigation (PUI) sa novel coronavirus, ayon sa Department of Health (DOH). Sa 67 rito ay 22 ang mula sa National Capital Region (NCR).

Dahil sa mga balitang ito, kailangan natin lalong tutukan ang mga may sakit, senior citizen at bata. Bilang tagasulong ng kapakanan ng kabataang mag-aaral at chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mahalagang paigtingin natin ang pangangalaga at kaligtasan ng mga mag-aaral.

Dapat mayroong protocol na nakahanda ang lahat ng mga paaralan upang maiwasan ang pagkalat ng naturang virus.

Kung may mga mag-aaral na nakikitaan ng mga sintomas kaugnay ng virus o nagkaroon na ng impeksiyon sa baga, mahalagang handa ang ating mga paaralan, local health official at mga magulang sa pagtugon upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng sakit.

Dahil itinuring na ng World Health Organization (WHO) na isang “Public Health Emergency of International Concern” ang pagkalat ng coronavirus, lalong dapat paigtingin ng Department of Education (DepEd) ang pakikipag-ugnayan sa DOH tungkol sa mga kailangang ipatupad na hakbang para sa kaligtasan ng mga estudyante.

Bukod pa rito, lalo ring dapat palaganapin ng mga paaralan ang kaalaman tungkol sa 2019 nCoV at kung paano maiiwasan ang pagkakaroon nito.

Mahalagang bigyan-diin sa kanila ang impormasyon tungkol sa mga hakbang na ipinaaalala ng DOH tungkol sa kalinisan tulad ng tama at palaging paghuhugas ng mga kamay, pagtakip ng bibig kapag inuubo o bumabahing at pag-iwas sa mga taong may sintomas ng trangkaso.

Iginigiit din natin na magsuspinde na ng klase ang mga Chinese school sa bansa na hindi pa nag-aanunsiyo ng suspensiyon sa puntong ito. Hindi ito upang bumuo ng takot laban sa mga mag-aaral na nagmula sa China, sa halip, naniniwala tayong makatutulong ito upang maiwasan ang pagkalat ng virus lalo na at karamihan sa mga kumpirmadong kaso ng novel coronavirus ay galing sa nasabing bansa.

Buong suporta ang ating ibinibigay sa DOH sa pagtitiyak na natututukang maigi ang suliraning ito. Hangad natin ang maayos na implementasyon ng mga regulasyon at polisiya, maging ang paglalabas ng impormasyon.

Higit sa lahat, lubos nating hinihikayat ang lahat na panatilihin ang kalinisan sa sarili at kapaligiran upang makaiwas sa mga sakit.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page