Guilty sa pagkakalat ng fake news, ilabas ang mukha nang madala
- BULGAR

- Feb 6, 2020
- 2 min read
Babala sa mga promotor ng fake news d’yan, malapit-lapit na kayong hubaran ng maskara.
Ito ay matapos ianunsiyo ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP) na mayroon na silang iniimbestigahang mga social media post na nagtataglay ng maling impormasyon. Anim na posts na naglalaman ng fake news tungkol sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD) ang kanilang iniimbestigahan.
Sino kaya itong mga walang magawa sa buhay na hindi na nga nakakatulong, perhuwisyo pa? ‘Pag kayo ay pinagdadampot na ng mga alagad ng batas, tiyak na famous na talaga kayo… famous sa kahihiyan!
Ang paggawa at pagpapakalat ng fake news ay paglabag sa Presidential Decree 90 o Declaring Unlawful Rumor-Mongering and Spreading False Information, ganundin sa Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code in relation to Section 6 ng Republic Act 10175 o Anti-Cybercrime Law. May katumbas itong parusang pagkakakulong at multa na hindi n’yo basta malulusutan nang isang click lang.
Ang pakiusap lang natin sa PNP, sakaling matukoy na kung sino o sinu-sino ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng mga maling impormasyon ay ilantad naman ang pagmumukha sa publiko nang magsilbing babala sa lahat. Isa rin sa nakikita nating malaking hamon dito ay ang pagtukoy sa posibilidad na sila ay ginagamit ng isang grupo para sa mas malalim o masamang layunin.
Tipong hindi sila nagpo-post ng fake news dahil trip lang kundi plano talaga nilang gumawa ng takot, manira, manisi, pati na ang kumita. Mas mabigat na parusa ang dapat na ihanda at walang dapat makalusot — pribado, taga-gobyerno o pulitiko man ‘yan.
At tayo namang publiko, tulad ng paulit-ulit na paalala, huwag magpapabiktima sa fake news. Year 2020 na, iwasan nang maging utu-uto. Hindi lahat ng naka-post ay totoo at hindi lahat ng nababasang ‘please share’ ay dapat i-share. Alamin muna natin kung ang mga website, social media account o page ba na pinanggalingan ng impormasyon ay lehitimo.
Sa pamamagitan nito ay dalawang bagay ang naiiwasan nating mangyari, una, ang tayo ay magmukhang katawa-tawa dahil ang dali nating mapaniwala at pangalawa, maiiwasan nating makapandamay ng mga taong nakakabasa sa ating mga ipino-post na puwede ring makapambiktima ng iba, parang virus.





Comments