Mga dating tauhan sa City Hall, dawit din… Ex-Mayor bistek, idinemanda ng P263-m plunder
- Ador Saluta
- Feb 5, 2020
- 2 min read

Photo: pia.gov.ph
Nahaharap ngayon sa reklamong plunder ang dating alkalde ng Quezon City na si Herbert Bautista sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa eksklusibong ulat ng The Manila Times nu’ng February 3, bukod kay ex-Mayor Bistek, kasama ring sinampahan ng reklamo sina dating City Administrator Aldrin Cuña, Reynald Paul Imjada, Green Energy Container Solutions Inc. (GECSI) President at Chief Executive Officer Nolasco Fernandez at GECSI Representative Christopher Gerard Ledesma.
Nag-ugat ang reklamong plunder sa ilegal na pagpapalabas diumano ng pondong nagkakahalaga ng P263-M mahigit.
Nakasaad sa reklamo: “Considering the amount illegally disbursed, equaling P263,996,121.16, the respondents are… guilty of plunder as defined under Section 2 of Republic Act (RA) 7080 (Plunder Law).”
Ang nagsampa ng reklamo ay ang internal auditor ng Internal Audit Service ng QC government na si Noel Emmanuel Gascon bilang kinatawan ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon. Siya ang nag-audit ng QC Smart City Data Infrastructure project na layuning magkaroon ng citywide broadband network upang mabigyan ng libreng internet ang mga residente ng lungsod.
Ayon sa reklamo, noong July 15, 2017 ay naglabas ng purchase request ang siyudad na P318-M pondo para sa proyekto na pinirmahan nina Cuña at Bautista.
Nakalagay pa sa reklamo na ang nag-iisang bidder sa proyekto ay ang GECSI, na may total bid na P317,257, 644 para sa proyekto.
Iminungkahi raw ng Bids and Awards Committee for Goods na igawad sa GECSI ang proyekto noong June 11, 2018. Isang obligation request raw ang inilabas noong June 14, 2018 kung saan ang requesting party ay si Imjada. Ang Notice of Award na pirmado ng dating alkalde ay inilabas daw noong June 19, 2018.
Noong June 29, 2018, pumirma naman daw ang dating mayor para sa Supply and Delivery Agreement sa nasabing kumpanya kaugnay ng proyekto.
Sabi ng nagrereklamong si Gascon, inilabas ni Bautista ang 90 percent ng pondo para sa proyekto kahit wala namang nai-deliver na project ang GECSI.
Dahil lagpas sa P50-M ang proyekto, pasok sa plunder case ang diumano’y katiwaliang ito.
Habang isinusulat namin ito ay wala pang inilalabas na official statement si ex-Mayor Bistek bilang sagot sa akusasyon laban sa kanya





Comments