Barnachea at Galedo, agawan sa P1-M ng Ronda Pilipinas

Walumpu’t walong riders sa pangunguna ng mga nagbabalik na dating kampeong sina Santy Barnachea, Reimon Lapaza at Mark John Lexer Galedo ang mag-aagawan sa pangunang premyong P1-M sa LBC Ronda Pilipinas 10th Anniversary race sa Peb. 23 - Marso 4 na babaybay sa Sorsogon patungo sa Vigan, Ilocos Sur.
Kampeon sa inaugural race noong 2011 at sa 5th edition noong 2015, ang 43-anyos na si Barnachea ay kakarera para sa team ng Scratch It habang kakatawan sa Celeste Cycles PH-Devel Project Pro Team ang 2014 titlist na si Lapaza.
Nagbabalik kasama ng continental team na 7-Eleven Cliqq-Air21 ng Roadbike Philippines si Galedo.
Inaasahang magiging mahigpit nilang katunggali sina 2018 champion Ronald Oranza at si 2016 at 2017 titlist Jan Paul Morales, na sasabak para sa team ng Standard Insurance (Navy) kasama ang mga kakampi at consistent top 10 finishers ng last edition ng Ronda na sina El Joshua Cariño, George Oconer, Ronald Lomotos at John Mark Camingao.
Ayon kay Ronda Pilipinas chairman Moe Chulani ibinalik nila ang All-Filipino race matapos tulungan ang PhilCycling sa Olympic quest sa pamamagitan ng pagdaraos ng 5-stage UCI-sanctioned race noong 2019.
“The essence of the LBC Ronda Pilipinas really is giving Filipinos, especially the younger ones dreaming to become big in the sports of cycling someday, an avenue for them to make their dreams a reality,” pahayag ni Chulani. “We’re bringing the LBC Ronda Pilipinas back to our countrymen in our 10th anniversary celebration because this is really for them.”
Inihayag naman ni Bernadette Guerrero, ang bagong LBC Ronda Pilipinas executive project director na may 11 koponan na may tig-8 siklista ang maglalaban sa 10-stage race na inihahatid ng LBC sa pakikiisa ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation katulong ang LBC Foundation at PhilCycling. Ang iba pang kalahok na teams ay ang Go for Gold, Bicycology Shop (Army), Bike Xtreme, Tarlac Central Luzon, Ilocos Sur, South Luzon-Batangas at Nueva Ecija. “It is just fitting that we celebrate the LBC Ronda Pilipinas’ 10th anniversary with 10 stages and several champions like Santy Barnachea, Reimon Lapaza and Mark Galedo making a memorable Ronda comeback,” ani Guerrero.
Kasunod ng 137-km Stage 1, magpapatuloy ang Ronda sa 163-km Sorsogon Legazpi Stage 2 sa Peb. 24, na susundan ng 126.9-km Legazpi-Naga Stage 3 sa Peb. 25, 212.5-km Daet-Lucena Stage 4 sa Peb. 26, at 155.4-km Lucena-Antipolo Stage 5 sa Peb. 27 bago ang rest day sa Peb. 28.
Magpapatuloy ang karera kinabukasan sa 128.9-km Lingayen-Lingayen Stage 6 na susundan ng 171.9-km Lingayen-Nueva Ecija Stage 7 sa Marso 1, 177.1-km Nueva Ecija-Baguio Stage 8 sa Marso 2, 176.4-km Pugo, La Union-Vigan Stage 9 bago ang pinakahuling Stage 10 criterium sa Vigan sa Marso 4.





Comments