top of page

Tricycle, bawal na sa highway, ‘wag nang pasaway

  • Ryan B. Sison
  • Feb 4, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Hanggang ngayon, marami pa ring tricycle na humihinto kung saan-saan, biglang liliko at humaharurot sa mga highway.

Ang nangyayari tuloy, naaabala ang mga kasunod na sasakyan at kapag minalas-malas pa ay nagiging sanhi ng aksidente.

Kaugnay ng pagpapatuloy ng implementasyon ng nationwide clearing operation sa mga kalsada at lansangan sa bansa, nagbigay-babala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan.

Papatawan ng kaukulang parusa ng DILG ang mga local executive na mabibigong magpatupad ng paghihigpit laban sa mga tricycle sa national highway.

Maglalabas din ng bagong direktiba ang DILG sa local government units (LGUs) para sakupin ang pagbabawal sa mga tricycle sa pangunahing lansangan. Gayundin, kailangang bigyan ang mga tricycle ng alternatibong ruta upang hindi na kailanganin pang dumaan sa pangunahing daanan.

Sa ilalim ng direktiba, bibigyan ng 45 araw ang mga LGU mula ngayong Pebrero 15, 2020 upang linisin ang mga tertiary road sa kanilang nasasakupan mula sa anumang obstruction, gayundin ang pagpapatupad ng highway ban sa mga tricycle.

Matatandaang noong nakaraang taon, inatasan ng DILG ang lahat ng lokal na pamahalaan na linisin ang kanilang nasasakupan sa lahat ng uri ng obstructions.

Ang direktibang ito ay hindi para makaabala ng mga naghahanapbuhay kundi para sa kaayusan din ng mga kalsada.

Para sa mga LGU, siguraduhin ninyong magiging maayos ang panibagong ruta para maiwasan ang pagkalito at abala.

Sa mga tricycle driver naman, ‘wag na kayong magpasaway sa oras na simulan ang pagpapatupad nito dahil para rin ito sa inyo.

Panawagan natin sa mga LGU at Tricycle Operators and Drivers Association (TODA), magkasundo at magtulungan kayo para maging matagumpay ang pagpapatupad ng direktiba.

‘Wag nating kalimutan na ito ay para sa kaayusan ng inyong nasasakupan at kaligtasan ng mga naghahanapbuhay.

Kaya pakiusap natin sa lokal na pamahalaan, galaw-galaw na!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page