top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mga kampeon sa NCAA at UAAP haharap sa Collegiate C'ships

A. Servinio
Feb 4, 2020
2 min read

Photo: Philippine Collegiate Champions' League

Magtatagisan ang mga lumaban para sa kampeonato ng nakaraang 95th National Collegiate Athletic Association at 82nd University Athletic Association of the Philippines sa NCAA-UAAP Challenge bilang bahagi ng 2019 National Collegiate Championship. Magiging katotohanan na ang panaginip na pagharap ng Ateneo de Manila Unversity at University of Santo Tomas ng UAAP at Colegio de San Juan de Letran at San Beda University ng NCAA.

Maglalaro ang apat na paaralan ng isang round robin simula ngayong Sabado sa FilOil Flying V Centre at susundan agad sa Linggo at sa Pebrero 15. Ang dalawang may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa National Finals sa Davao City sa Pebrero 22 at 23 laban sa dalawang magwawagi sa Luzon at pinagsamang Visayas-Mindanao.

Itataya ng Ateneo ang malinis na 16-0 kartada mula sa nakaraang UAAP. Lalaban pa rin ang Letran kahit umakyat na sa PBA sina Jerrick Balanza, Edison Batiller at Christian Balagasay at handa na pamunuan ang Knights nina NCAA Finals MVP Fran Yu at Larry Muyang.

Nais bumawi ng UST at San Beda matapos mabigo sa kanilang mga inang liga. Halos buo pa rin ang dalawang koponan at aasahan ng malaki ang mga MVP na sina Soulemane Chabi Yo ng Tigers at Calvin Oftana ng Red Lions.

Puno ng aksiyon ang linggong ito sa sabay na paglaro ng Visayas Qualifiers sa Dumaguete at Mindanao Qualifiers sa Davao.

Isa mula sa Visayas at tatlo galing Mindanao ay sasamahan ang kampeon ng 19th Cebu Schools Athletic Foundation (CeSAFI) Southwestern University-Phinma at runner-up University of the Visayas sa Visayas-Mindanao Regional Championship sa Pebrero 17 hanggang 20 sa Davao din para matukoy ang isang paaralan na didiretso sa National Finals.

Ang mga magtutuos para sa Visayas Qualifiers ay ang University of San Agustin-Iloilo, Negros Oriental State University at Asian College-Dumaguete.

Ang mga kalahok sa Mindanao Qualifiers na binansagan din na 2020 Escandor Cup ay ang Uniberidad de Zamboanga, STI College-Cagayan de Oro, Holy Trinity College-General Santos at mga taga-Davao na Agro-Industrial College Foundation, Holy Cross College at MATS College of Technology.

Samantala, matapos ipagpaliban ang South Luzon Qualifiers dahil sa pagputok ng Bulkang Taal ay nagpasya ang pamunuan ng torneo na isali ang University of the Philippines sa Luzon Qualifier sa Pebrero hanggang 12 sa Naga City Coliseum.

Makakalaro ng Fighting Maroons ang Diliman College, Don Honorio Ventura Technological State University at isang titiyakin na kinatawan ng Bikol kung saan isa lang ang tutuloy sa National Finals. Mga laro sa Sabado – FilOil Flying V Centre: 2:00 Letran vs. UST: 4:00 Ateneo vs. San Beda.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page