top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Binabantayan sa nCoV sa Pilipinas, 80 na — DOH

Madel Moratillo
Feb 4, 2020
2 min read

Umakyat na sa 80 ang naitalang patient under investigation (PUI) ng Department of Health (DOH) kaugnay ng 2019-nCoV acute respiratory disease.

Ayon sa DOH, ang 67 sa mga ito ay kasalukuyan pa ring naka-confine at naka-isolate, habang ang 10 ay na-discharge na sa ospital, pero, mahigpit pa rin umano itong mino-monitor.

Kasama rin sa nasabing bilang ang isang naiulat na PUI na nasawi bago pa lumabas ang resulta ng pagsusuri sa kanya subalit, ang pasyenteng ito ay negatibo naman sa nCoV.

At ang Chinese couple na kapwa nagpositibo sa virus bagama’t, ang isa rito ay pumanaw nitong weekend dahil sa severe pneumonia.

Ayon sa DOH, batay sa laboratory result ng Research Institute for Tropical Medicine, 30 sa una nang tinukoy na PUI ang nagnegatibo sa nCoV, 2 ang nagpositibo sa virus habang 48 naman ang naka-pending pa.

Ipinaliwanag naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ang pagtaas ng bilang ng mga naitalang PUI ay dahil mas lumakas na ang kanilang surveillance system.

Samantala, ayon kay Dr. Ferchito Avelino, hepe ng Epidemiology Bureau ng DOH, nahanap na nila ang ilan sa mga nakasalamuha ng Chinese couple na nagpositibo sa nCoV.

Ayon kay Avelino, sa 74 na ito ay 8 ang napasama sa listahan ng kanilang PUI. Ito ay matapos silang makitaan ng ilang sintomas tulad ng ubo at sipon. Ayon kay Avelino, ang iba naman na walang nakitang sintomas ay pinapayuhang mag-self quarantine na lang sa loob ng bahay.

Ang dalawa ay una nang iniulat na nagtungo sa Cebu, Dumaguete at sa Maynila.

Nilinaw din ni Duque na hanggang ngayon ay wala pang gamot sa nCoV.

Bagama’t, may dalawa ng nagpositibo sa nCoV sa bansa, iginiit ng DOH na maituturing na imported case ang mga ito at wala pang naiulat na human-to-human transmission ng virus dito sa bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page