top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Private hospitals, bawal tumanggi sa mga pasyenteng may nCoV

Ryan B. Sison
Feb 3, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Matapos kumpirmahin ang kaso ng 2019 novel coronavirus (nCoV) sa bansa, kaliwa’t kanang paalala sa publiko, health workers at institusyon ang inilabas ng Department of Health (DOH) at ilang mga grupo.

Bukod sa pagbibigay-babala sa taumbayan na mag-ingat sa fake news at panatilihing malinis ang katawan, may paalala rin sa mga pribadong ospital.

Ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPi), ang mga pribadong ospital ay hindi puwedeng tumanggi o i-discriminate ang mga Chinese national at iba pang pasyente na pinaghihinalaang may nCoV.

Hinihikayat ni Dr. Rustico Jimenez ang publiko na i-report sa PHAPi o Department of Health (DOH) ang mga pribadong ospital na tatangging magbigay ng tulong sa mga pasyente dahil maaaring parusahan ang naturang ospital.

Idineklara na ng World Health Organization (WHO) ang global emergency matapos kumalat sa iba’t ibang bansa ang nCoV kaya tandaan nating hindi tao o ibang lahi ang kalaban natin dito kundi ang sakit mismo.

Patuloy na tumataas ang bilang ng mga namamatay sa China dahil sa nabanggit na sakit at dito sa bansa, naitala ang kauna-unahanang nCoV death sa labas ng Tsina.

Sa ganitong pagkakataon, isipin natin ang ikabubuti ng nakararami. Ang ospital ay para sa lahat ng nangangailangan ng tulong pribado man o hindi, ‘wag n’yo sanang kalimutan ang sinumpaan ninyong Hippocratic Oath.

‘Wag kayong mamili ng gagamuting pasyente dahil tandaan n’yo, tungkulin n’yong maglingkod sa sinumang may sakit, anuman ang kanilang estado, pinanggalingan at lahi.

Para naman sa publiko, ‘pag nakaranas ng pagtanggi, mabuting ireklamo sa DOH para maturuan agad ng leksiyon at hindi na umulit pa.

Walang nagagawang maganda ang pagiging racist at mapanghusga kaya pakiusap natin sa lahat, magkaisa at magtulungan tayo para malampasan ang problemang ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page