Pinakauna sa labas ng China.. nCoV victim sa ‘Pinas, patay

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang kaso ng pagkamatay dahil sa 2019 novel coronavirus sa bansa.
Ito ay ang 44-anyos na lalaking Chinese mula sa Wuhan, China na kasama ng 38-anyos na babaeng Chinese na nauna nang nagpositibo sa nCoV.
Ang dalawang pasyenteng ito na nagpositibo sa nCoV ay naka-isolate sa San Lazaro Hospital sa Maynila. Pareho silang dumating sa bansa noong Enero 21 via Hong Kong.
Ang lalaking Chinese na ito ay nakaranas ng lagnat, ubo at sore throat at na-admit sa ospital noong Enero 25. Gayunman, nasawi ito nitong Sabado, Pebrero 1 dahil sa severe pneumonia dahil sa viral at bacterial infections.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, sa mga huling araw ng pananatili ng pasyente sa ospital, nakitaan ito ng improvement, pero sa huling 24 oras nito ay lumala ang kanyang sitwasyon na nagdulot ng pagkamatay nito.
Tiniyak naman ni Duque na nakikipag-ugnayan na sila sa Chinese Embassy para sa labi ng nasabing pasyente.
Kaugnay nito, inanunsiyo ng DOH na 24 sa mga pasyente na under investigation nila ang nagnegatibo sa nCoV. Muli namang tiniyak ng DOH sa publiko na ginagawa nila ang lahat para matiyak na hindi kakalat ang virus.
Maging ang San Lazaro Hospital ay may ipinatutupad na rin umanong infection control protocols para masiguro ang kaligtasan ng iba pang pasyente. Patuloy naman ang contact tracing ng Epidemiology Bureau (EB) ng DOH sa mga pasaherong nakasalamuha ng dalawang pasyente na nagpositibo sa nCoV.
Una nang inanunsiyo ng DOH na ang dalawa ay nagtungo sa Cebu at Dumaguete bago nagtungo sa Maynila. Sa ngayon, wala pa umanong ulat na kumalat sa mga komunidad ang virus. Pero patuloy pa rin ang paalala ng DOH sa proper hand hygiene at tamang pag-ubo para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Sa datos ng DOH, 36 lahat ang kanilang naitalang PUI. Ang 23 rito ay naka-admit at naka-isolate, 10 ay na-discharged na pero under monitoring, habang 2 ang nagpositibo at 1 ang nasawi. Pero ang nasawing ito na una nang inulat ng DOH ay negatibo umano sa nCoV.





Comments