top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Higit 100 illegal service couriers, nakakalusot.. DICT officials, lagot!

Mylene Alfonso
Feb 3, 2020
2 min read

Pormal nang isusumite ngayong araw ng Citizens Crime Watch (CCW) sa Department of Information and Communication Technology (DICT) ang kahilingang magsagawa ng malawakang imbestigasyon sa napakaraming reklamo laban sa tinatawag na kolorum at ilegal na courier services sa bansa.

Sa pormal na sulat ng CCW na pinirmahan ng pangulo nito na sina Diego Magpantay at Atty. Ferdinand Topacio, hepe ng CCW legal panel, hinihimok nila si Sec. Gregorio ‘Gringo’ Honasan na agad itong bumuo ng isang pangkat ng imbestigador upang masiyasat kung paanong patuloy na nag-o-operate ang mga ilegal na courier services nang hindi dumaraan sa mahigpit na kontrol at superbisyon ng DICT.

Hinihingi rin ng liham ng CCW kay Honasan na gumawa ito ng mabisang hakbang laban sa mga opisyal ng DICT na nagpabaya sa tungkulin kaya patuloy na namamayagpag ang ilegal na operasyon ng mga walang lisensiya at hindi rehistradong courier sa bansa.

Ayon sa pagtaya, umaabot sa mahigit isandaan ang delivery services na pawang walang lisensiya at hindi nakarehistro sa DICT ang patuloy sa kanilang ilegal na operasyon.

Kabilang sa tinatawag na “big players” ay pag-aari umano ng mga dayuhan na isang mabigat na paglabag sa mga batas ng Corporation Code.

May mga lisensiyadong courier services na sa National Capital Region lamang ang dapat may operasyon pero sila ay may delivery services umano sa buong bansa.

Kasama sa reklamong nais paimbestigahan ng CCW ay kung paano pinayagang makapagrehistro ang ilang courier services sa kabila ng may nakitang mga paglabag at hindi dumaan sa regulasyon at superbisyon ng DICT.

Ang 31-taong CCW ay itinatag ni Atty. Jose Malvar Villegas at ito ay nagharap at nanalo sa maraming kaso laban sa katiwalian, kabilang ang mga kasong iniharap laban kina dating Presidente Joseph Estrada at Benigno Aquino III, Sen. Leila de Lima, Trade Secretary Ramon Lopez at maraming iba pa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page