Pagpapakumbaba at kagandahang-loob sa gitna ng sunud-sunod na kalamidad
- Fr. Robert P. Reyes
- Feb 2, 2020
- 2 min read
Unang buwan pa lamang ng 2020 ay hindi na mabilang ang masasakit at mahirap unawain at tanggapin na pangyayari ang naganap hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong daigdig.
Unang linggo pa lamang sa unang buwan ng Bagong Taon, napatay ng mga Kano ang mataas na heneral ng Iran na si Maj. Gen. Qassem Soleimani. Ito ay kaugnay sa utos na airstrike ni U.S. Pres. Donald Trump.
Samantala, nangako ang pinuno ng Iran at ilan pang opisyal ng matinding ganti laban sa mga Amerikano kung saan mahigit 12 missiles ang pinakawalan ng Iran patungong kampo ng Iraqi bases kung saan may mga Amerikanong sundalo.
Samantala, kalunus-lunos din ang nangyari sa Australia na nagkaroon ng matinding sunog o bushfire.
Ang bushfire ay nagsimula diumano huling buwan pa lamang ng 2019 pero mas lumala ito sa pagpasok ng Bagong Taon. Hindi pa man tuluyang natatapos ang bushfire sa Australia, walang kaabug-abog na sumabog naman ang Bulkang Taal sa Batangas.
Nagsaboy ito ng makapal na alikabok o ashfall sa maraming bahagi ng Batangas, Cavite, Laguna at iba pang bahagi ng Metro Manila.
Gayundin, unang linggo ng Enero nang pumutok ang balita tungkol sa misteryosong sakit na mula sa China, gayunman, noong ikatlong linggo ng buwan, pinangalanan ito bilang 2019 novel coronavirus o nCoV.
Ang nasabing sakit ay hindi lamang nakaapekto sa mga taga-China dahil nagkaroon na rin ng iilang kaso maging sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan kamakailan lamang ay nagkaroon na rin ng unang kaso nito sa Pilipinas.
Unang buwan pa lamang ng Bagong Taon, pero sunud-sunod na ang malalaking kalamidad na talagang ikinagugulat ng buong mundo. Ano ba ang ibig sabihin ng mga nangyayaring ito?
Samantala, matatandaang, noong mga nagdaang buwan, narinig natin si Apollo Quiboloy, ang pastor ng Kingdom of Jesus Church.
Hindi natin malaman kung nagbibiro lamang ito nang sabihin ang mga sumusunod tungkol sa mga lindol sa Davao, “Nahigaan ko ang switch ng lindol kaya lumindol. At sapat nang pindutin ko lang din ang ‘switch ng lindol’ at alam nating kaya nating patigilin ang pag-aalburoto nito.”
Ngunit, nito lamang ay lumabas ang balita kung saan inakusahan sa Estados Unidos ang mga tauhan ni Quiboloy ng “illegal immigration scheme” at sa kauna-unahang pagkakataon, wala nang mayabang na nagmamalaking “walang kuwenta ang problema”.
Walang makapagsasabi kung sino o ano ang dahilan ng mga pangyayari at lalong walang makapagsasabing siya rin ang lunas o solusyon sa mga naganap na trahedya o problema.
Madaling magbintang kung sino ang may kasalanan sa gulong nagaganap sa Gitnang Silangan. Madali ring magbintang sa nagaganap na malaking sunog sa Australia.
Pero sa gitna ng lahat ng mga pangyayaring ito, mahirap magmalaki at magyabang. Lubos na pagpapakumbaba at kagandahang-loob ang kinakailangan. Tila tinuturuan ng Panginoon ang lahat na pag-aralan ang kagandahang-asal at kababaang-loob.
Madali para sa mayayaman at makapangyarihang bansa na maging mayabang. Madali rin para sa indibidwal na magmagaling at magmayabang.
Malinaw na kailangang magpakababa at magbukas ng isipan at kalooban sa pang-unawa sa mga nangyayari upang iwasan ang pagyayabang at pagpapanggap na alam natin ang dapat gawin.
Sa halip na magpagalingan tayo ng solusyon sa problema, magandang lumuhod, magmakaawa at magdasal tayo sa Diyos dahil walang sinuman ang makalalamang sa kapangyarihan ng Poong Maykapal.
Amen.





Comments