Habang nagmamando.. Traffic enforcer niratrat ng riding-in-tandem
- Gina Pleñago
- Feb 2, 2020
- 1 min read

Patay ang traffic enforcer nang barilin ng dalawang suspek na nakamotorsiklo habang nagmamando ng trapik sa gitna ng fun run sa Parañaque City, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Parañaque ang biktimang si Armando Sabado, 47, traffic enforcer ng Parañaque City Traffic Bureau.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib ang biktima mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklong walang plaka.
Ayon kay Parañaque City Police Chief, P/Colonel Robin King Sarmiento, ang pamamaril sa biktima ay naganap sa harapan ng Rotary Homes, C-5 Road Extension, Bgy. La Huerta sa naturang siyudad, alas-6:55 ng umaga.
Habang abala sa pagmamando ng daloy ng trapiko ang biktima sa kasagsagan ng fun run ng mga estudyante ng Parañaque City College nang sumulpot ang dalawang armadong suspek na magkaangkas sa motorsiklo at pinagtulungang barilin si Sabado.
Nang makitang duguang bumagsak sa kalsada ang biktima, tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksiyon.
Agad dinala ang biktima sa naturang pagamutan subalit, idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor.
Inihayag naman ni Col. Sarmiento na kasalukuyan pang inaalam ang motibo sa pamamaril at sinusuri pa ang kuha ng CCTV sa lugar na makatutulong sa pagtukoy sa mga salarin.





Comments