top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Unahin ang kapakanan ng mga Pinoy bago ang mga dayuhan

Fr. Robert P. Reyes
Feb 1, 2020
2 min read

Ito ang ebanghelyo noong Huwebes: “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginagamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo ng Diyos — at higit pa…” (Marcos 4:24ff)

Kung mag-iingat tayo sa pang-unawa ng mga naririnig natin, ganito rin ang dapat nating gawin sa mga bagay na ating nakikita, nadarama, naiisip at nais gawin.

Sa mga nangyayari ngayon, kung meron mang dapat manguna sa pag-unawa at pag-iingat, ito ang pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ng pangulo. Dapat silang magsalita nang walang pagkukunwari at pagpapanggap.

Samantala, lubos na nag-iingat ang buong mundo sa kumakalat na 2019 novel coronavirus. Bagama’t, mahigpit ang pagbabantay sa mga banyaga na kasalukuyang nananatili sa bansa, tila hindi ganu’n kahigpit pagdating sa mga

Chinese kung saan ilang turistang Intsik na galing ng Wuhan, China ang nakita at tila nagbabakasyon sa Boracay Island, kamakailan.

Ano ba ang mas matimbang sa ating pamahalaan, ang kapakanan ng sariling kababayan o kapakanan ng mga dayuhan?

Ang tawag sa pangulo ng Republika ay Chief Executive. Siya ang may napakalaking kapangyarihan, pondo at makinarya upang magpasya nang maayos at nararapat para sa kapakanan ng lahat. Malinaw na kailangan niyang pag-aralan ang mga problema at kasama ng kanyang mga alalay ay maingat na hanapin ang angkop na solusyon sa mga ito.

Maaari ring kumonsulta sa mga dalubhasa at sa mga taong may malawak na kaalaman at kakayahang sumuri, magsaliksik at magpasya batay sa mga datos o katotohanan.

Pero ang nakadidismaya, hindi ganito ang nangyayari. Mabilis magpasya ang pangulo na tila hindi nagsasagawa ng sapat na pag-aaral at pagkonsulta sa mga eksperto.

Nakadidismaya na tila hinintay pa ng gobyerno na magkaroon ng kumpirmasyon ng kaso sa bansa bago kumilos. Sa totoo lang, unang linggo pa lang ng Enero nang pumutok ang balita tungkol sa 2019 novel coronavirus kaya dapat noon pa lang ay may travel ban na nang sa gayun ay makontrol ang pagdagsa ng mga tao na mula sa iba’t ibang bansa.

Samantala, mapapansin na marami ang nakasuot ng surgical mask pero mas lamang ang bilang ng mga tao na tila walang pakialam — wala silang suot nito at kung umubo ay tila walang pakiramdam sa iba na naiilang. At isa pang problema na kung titingnan ay maliit lamang pero malaki ang maaaring maging epekto ay ang kakulangan nito.

Matatandaang, noong kasagsagan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal, nagkaubusan nito at mabuti na lang, sadyang madiskarte ang mga Pinoy kaya iba’t ibang alternatibo ang kanilang ginamit. At ngayon, sa pagkumpirma ng DOH na may unang kaso ng 2019 novel coronavirus, tila nauulit na naman ang nasabing problema.

Napakahalaga sa kasalukuyang panahon ang lubos na pag-iingat kaya sana, ito ang iprayoridad ng pangulo. Gamitin niya sa tama ang kanyang prebilehiyo, ingatan niya ang kanyang nasasakupan dahil ito ang numero-unong responsibilidad ng lider ng bansa.

Kung marami sa atin ang natatakot sa posibilidad ng pagkalat ng 2019 novel coronavirus dahil ito ay nakamamatay, malinaw na meron pang isang “virus” na higit na mapanganib kaysa rito — ito ang virus ng pamahalaan at mga opisyal na hindi nag-iingat, hindi marunong makinig at umunawa sa tunay na kailangan ng mamamayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page