top of page
Alex Eala at Sandro Marcos - FB.jpg

Local products palakasin para sa mas maunlad na bansa

  • Sonny Angara
  • Feb 1, 2020
  • 2 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Nitong Lunes ng umaga, ginulantang ng pagluluksa ang buong mundo sa pagpanaw ni Kobe Bryant, legendary NBA superstar.

Kasama niyang nasawi ang 13-anyos niyang anak na si Maria Gianna at pitong iba pa nang mag-crash ang sinasakyan nilang helicopter sa bulubunduking bahagi ng Calabasas, California. Ang naturang helicopter ay pag-aari ni Kobe.

Nakilala natin si Kobe dahil sa kanyang pambihirang galing at talento, partikular sa paglalaro ng basketball. Nang magretiro, ibinuhos niya ang kanyang panahon sa pagko-coach at pag-cheer sa pinakamamahal niyang ball player — ang kanyang anak na si Gianna.

Ngunit, dahil sa trahedya, natapos nang walang sabi-sabi ang pangarap nilang mag-ama.

Inulila ni Kobe ang kanyang maybahay na si Vanessa at tatlo pang anak na babae. Kaya naman sa pagkakataong ito, nais nating iparating sa kanila at sa pamilya ng lahat ng kanyang kasamahang nasawi sa trahedya ang taos-puso nating pakikiramay.

Sa iyo, Kobe, maraming salamat dahil sa pitong beses mong pagbisita sa Pilipinas, ilang ulit mo ring napaligaya ang masusugid mong tagahanga.

***

Kinumpirma na ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng 2019 novel coronavirus sa bansa. Ito ay matapos magpositibo sa nasabing sakit ang 38-year-old na babaeng galing Wuhan, China na dumating sa Pilipinas noong Enero 21.

Mga kababayan, mag-ingat tayong lahat. Palagi tayong maglinis ng ating paligid, umiwas sa matataong lugar, palaging maghugas ng mga kamay, mag-alcohol o mag-hand sanitizer at magsuot ng face mask. Sumunod tayo sa abiso ng mga eksperto tungkol sa mga tama at dapat gawin. Mag-ingat tayong lahat.

***

Kapag nagagawi tayo sa mall, grocery o kung saan-saang pamilihan, mapapansin nating may local products tayong ibinebenta sa stalls. May pagkain, damit, tsinelas o kung anu-ano pang bagay. Pero ang nakalulungkot, mas pinipili ng karamihan ‘yung mga imported na produkto.

Sana, minsan, matuto rin tayong tumangkilik ng sariling atin. Napakarami nating mga kababayan na matutulungan lalo na ang mga mahihirap kung makatutulong tayo sa pagpapalakas ng ating lokal products.

Nang maipasa ang P4.1 trillion 2020 National Budget, naglaan ang Kongreso ng P323 milyon para sa pagpapatupad sa Innovation Act. Ito ang batas na magpapalakas sa mga produkto at serbisyong Pinoy.

Alam n’yo, kapag ang ating lokal na kalakalan ay patuloy sa pag-usbong at pag-unlad, mas marami tayong malilikhang trabaho. At kapag maraming trabaho, tiyak na mas marami rin tayong matutulungang kababayan na kailangan ng trabaho.

Ang nasabi nating pondo ay ilalagak sa tanggapan ng Socioeconomic Planning secretary habang pinangangasiwaan ito ng National Innovation Council na pinamumunuan naman ng pangulo.

Sa ating micro, small and medium enterprises, gawin natin ang lahat ng makakaya natin para maisulong ang local products. Maging innovative tayo — maghain tayo ng bago sa paningin, panlasa, pandinig at interes ng ating mga kababayan, maging sa mga turistang bumibisita sa bansa.

Mahirap man sa umpisa, tiyak namang mas lalakas ang produkto natin kung bibigyan natin ng improvement. Ang resulta, mas magiging competitive ang Pinoy products. Mag-research tayo tungkol sa mga bagong teknolohiya na tutulong sa atin kung paano natin iaangat ang ating mga produkto sa merkado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page