top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Sangkot sa human trafficking.. Simbahan ni Quiboloy, ni-raid

  • Mylene Alfonso
  • Jan 31, 2020
  • 2 min read

Sinalakay ng mga miyembro ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang Simbahan ni Pastor Apollo Quiboloy sa Los Angeles, dahilan para maaresto ang tatlong administrador ng parokya.

Ang raid ay ginawa nitong Miyerkules dahil sa mga sumbong na may immigration fraud at fake marriages na ginagawa rito.

Arestado sina Guia Cabactulan at Marissa Duenas, na humahawak umano sa mga maanomalyang immigration documents sa Van Nuys. Inaresto naman si Amanda Estopare sa Virginia, na sinasabing humahawak ng mga fundraising quota.

“‘Yung tatlong hawak namin ngayong araw ay dinakip para sa papel nila sa immigration fraud. Ang paniwala namin, kinukuha nila ang mga pasaporte ng ilang indibidwal na pumapasok sa Estados Unidos mula sa Pilipinas,” sabi ni FBI Spokesperson Laura Eimiller sa Ingles, sa panayam ng CBS Los Angeles.

Ayon sa mga ulat, isinumbong ng ilang migranteng nakatakas mula sa Simbahan na ipinadadala sila sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos para manghingi ng donasyon buong taon para sa charity ng Simbahan.

Nakararanas umano sila ng pang-aabusong pisikal at sikolohikal oras na hindi nila maabot ang quota.

Sa reklamo ng mga manggagawang nakatakas, sinabi ring napupunta sa maluhong buhay ni Quiboloy at operasyon ng Simbahan ang perang nalilikom para sa Children’s Joy Foundation USA, na sana ay para umano sa mahihirap.

Ayon sa Federal investigators, nasa $20 milyon ang naipadala sa Simbahan sa Pilipinas sa pagitan ng 2015 at kalagitnaan ng 2019.

Samantala, inirerespeto ng Malacañang ang mga awtoridad ng gobyerno ng Estados Unidos na nagsagawa ng raid. Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kung lehitimo ang pagsalakay ay walang mairereklamo ang kampo rito.

Ipinaalala ni Panelo na dapat tandaan na kapag ang isang krimen ay nangyari sa kahit anong bansa, ang kanilang batas ang masusunod.

Matatandaang, si Quiboloy ay malapit na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ang self-proclaimed “Son of God” ay isa sa mga sumuporta noong 2016 presidential campaign ng Pangulo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page