Nunal na makati, nagdurugo at masakit, cancerous
- Shane Ludovice
- Jan 31, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Napansin ko na may tumutubong buhok at tila nagbabago ang kulay at laki ng aking mga nunal. Worried ako na baka cancerous ito kaya gusto ko sanang ipatanggal pero wala pa akong budget. Paano malalaman kung cancerous ang nunal? - Trish
Sagot Ang pagkakaroon ng nunal ay maaaring mula pa sa kapanganakan o umusbong habang tumatanda. Habang tumatagal, ang nunal ay maaaring magbago. Maaaring ito ay lumaki, umumbok o magbago ang kulay.

Ang nunal ay nabubuo kapag ang mga cells ng balat o melanocytes ay nagkumpul-kumpol sa halip na kumalat. Ang melanin na matatagpuan sa melanocytes ang nagbibigay-kulay sa balat kaya sa pagkukumpol na ito lumalabas ang maitim na nunal.
Tulad ng ibang bahagi ng balat, ang nunal ay maaaring magkaroon ng hair follicle kaya tinutubuan ito ng buhok. Ito ay normal at walang dapat ikabahala.
Paano malalaman kung cancerous ang nunal?
Bagama’t karamihan sa mga nunal ay hindi maaaring makapagdulot ng kanser, mayroon pa ring posibilidad na humantong sa kanser ang ilang nunal. Ang nunal na nagiging kanser ay malaki at naiiba ang hitsura kaysa sa normal na nunal at kadalasang umuusbong lamang pagkalampas ng edad na 30. Kung ang nunal ay biglaang nagbago ng laki, hugis at kulay, mas makabubuting ipa-examine ito sa doktor upang masuri kung ito ay kanser. Maaari ring makitaan ng pagdurugo, pangangati at pananakit ang nunal na nakakakanser. Tinatawag na melanoma ang nunal na kanser.
Ang nunal na pinagsususpetsahang may kanser ay kadalasang inaalis sa pamamagitan ng operasyon (surgery) o sinusunog (cauterization). Ngunit, bago ito gawin, kailangan munang makatiyak kung ang nunal ay kanser. Maaari itong suriin sa pamamagitan ng biopsy.
Bukod sa impeksiyon, allergy sa anestisya o pinsala sa nerve cells, wala nang iba pang nakababahalang kumplikasyon ang maaaring makuha sa pagpapatanggal ng nunal.




Comments