Masyadong elibs sa sarili, bumabagsak at hindi nagtatagumpay
Bigyang-daan natin ang mga kaalaman kung paano maaakit ang mga suwerte ngayong Year of the Metal Rat.
Noong nakaraang isyu, ipinakita natin na kahit ang tao ay kasingtalino ng Snake, hindi pa rin siya maaaring manalo sa laban ng buhay. Kumbaga, ang talino ay hindi nagbibigay ng garantiya na ang tao ay magtatagumpay.
Sinasabi na ang tapat at lakas ng loob ay susi para magkaroon ng successful na buhay, pero sa mga Tsino, sa pamamagitan ng kanilang alamat tungkol sa mga animal sign, binigyang-diin na ang Tiger na simbolo ng katapangan ay hindi naging successful dahil ang itinanghal na nanalo ay ang Rat.
Pero, bakit hindi ang Tiger ang umani ng laurel ng tagumpay? Una, kapag palaaway ka, matapang ka. Oo, matatalo mo ang kaaway mo, kaya lang, ang pakikipag-away, kahiligan sa basag-ulo at pakikipag-away sa lahat ng umaaway sa iyo ay sagabal sa pagpapaunlad ng buhay.
Kaya nga ang mahilig sa gulo ay malabong yumaman dahil siya ay maiiwanan nang milya-milya ng kanyang mga kakumpitensiya na ayaw sa gulo.
Sa karera ng buhay na ang premyo ay ang panalo, maaaring masabi mo na ang mabilis ang siyang mauuna dahil ang karera ay pabilisan. Totoong ang karera ay pabilisan, pero higit sa lahat, ito ay paunahan o kung sino ang manguna, siya ang tatanghaling panalo.
Kaya ang bilis ay hindi rin garantiya na ikaw ang mananalo. Wala nang bibilis pa sa Rabbit, kahit saang lugar o sa buong mundo, kinikilala ito sa kanyang kakaibang bilis.
Pero ang nangyari ayon sa mga Tsino, siya ay napabilang sa mga natalo. Bakit nga ba hindi ang mabilis na Rabbit ang nanguna?
Isa sa mga aral ng buhay na makukuha natin sa alamat ng mga Tsino ay ang over confidence ang susi sa kabiguan. Sobrang kumpiyansa ang Rabbit kaya nang makita niya ang Rat, tumawa siya nang malakas at sinabi, “sa liit mo na ‘yan at hindi ka naman mabilis, tiyak na ikaw ang mapupunta sa hulihan” kaya si Rabbit ay natulog na lang dahil ang alam niya, siya ay mabilis at walang kapares sa pagiging mabilis at akala niya ay siya ang tatanghaling panalo.
Ikaw, kumusta ka, baka over confident ka, baka minamaliit mo ang kapwa mo, baka masyado kang nasisilaw sa galing at husay mo, baka akala mo, ang lahat ay kayang-kaya mo sa labanan ng buhay sa mundo?
Kung oo ang sagot, alam mo na ang mangyayari sa iyo, ikaw ay matatalo, kaya mag-isip-isip ka habang may panahon pa. Puwede ka pang humabol sa panalo na ang mahalaga ay una mo munang talunin ang sobrang kumpiyansa mo.
(Itutuloy)




Comments