top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Kaliwat' kanang trahedya, unstapabol!

Korina Sanchez
Jan 31, 2020
2 min read

Kahapon, kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang kaso ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) sa bansa. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang mahigpit na pagbabantay sa pasyente na pinaghihinalaang tinamaan ng nCoV dahil nakitaan ng mga sintomas ng nasabing sakit. Karamihan sa mga pasyente ay banyaga na nanggaling diumano sa China.

Samantala, ayon sa ulat sa China, 170 na ang namatay habang libu-libo naman ang kumpirmadong may sakit at marami pa ang patuloy na inoobserbahan. Kaya naman, naka-lockdown na ang ilang bahagi ng China, partikular sa lungsod ng Wuhan kung saan wala nang puwedeng makalabas o makapasok dito.

Kaugnay nito, may mga kaso na ring naitatala sa ibang bansa kaya naglabas na rin ng travel restrictions ang Amerika at Canada patungong China. Apektado na rin ang ekonomiya ng maraming bansa, lalo na ang China at Hong Kong. Isa sa mga pinakaapektado ay ang stock market.

Sa kabila ng tumataas na bilang ng kaso ng nCoV, hinihikayat ng DOH na huwag magkalat ng maling impormasyon tungkol dito. Kung may matatanggap tayong mensahe o makikitang post sa social media, makabubuti kung buburahin o ire-report ito nang sa gayun ay hindi na kumalat pa. Huwag nating dagdagan ang pangamba ng mga kababayan natin dahil kung tunay tayong nagmamalasakit, hayaan natin ang DOH at iba pang ahensiya ng gobyerno na magkalat ng mahahalagang impormasyon o abiso.

◘◘◘

Hindi pa man natatapos ang unang buwan ng Bagong Taon, kaliwa’t kanan na ang trahedya, kalamidad at iba pang hindi magandang pangyayari ang bumungad sa lahat. Ngayon, panibagong kalamidad na naman ang kinahaharap ng mundo kung saan yumanig kamakailan ang Magnitude 7.7 sa karagatan sa pagitan ng Jamaica at Cuba pero kahit sa Miami, Florida ay naramdaman din ang lindol.

Bagama’t malakas ang nangyaring lindol, sa ngayon ay wala pa itong naitalang pinsala.

Matatandaang, noong 2010, tinamaan ng Magnitude 7.0 na lindol ang Haiti kung saan humigit-kumulang 100,000 katao ang namatay at malawak ang danyos sa bansa.

Samantala, nasa Alert Level 3 pa rin ang Bulkang Taal dahil sa mga nagaganap na pag lindol sa ilalim ng bulkan na nagpapahiwatig na dumadaloy ang magma nito kaya may posibilidad pa ring pumutok ang Bulkang Taal, ito ay batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Walang nakaaalam kung saan at kailan mangyayari ang natural disaster kaya palagi tayong maghanda at maging alerto. Bagamat, hindi diyos ang Phivolcs o anumang ahensiya na tumutukoy sa mga posibleng pagdating ng mga ganitong sakuna, pakinggan at sundin natin ang kanilang mga paalala dahil sila ang mas may alam sa mga nangyayari kumpara sa atin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page