Jamotillo, champ sa Iloilo chess; So, 3rd place sa Tala Steel

Walang hirap na sumulong sa trono ang dehadong si Archie Jamotillo dala ang walang dungis na kartada sa Jerry Trenas Dinagyang Under 12 Kiddies Chess Tournament sa Jaro, Iloilo.
Pitong rounds na bakbakan at wala ni isa mang chesser ang nakaporma sa harap ng tikas ni Jamotillo na pang-23 lang sa pre-tournament seedings. Nakasama sa listahan ng kanyang mga biktima si 3rd ranked Armany Herkey Salvador (round 1), topseed Mark Alfonso Azaola (round 2), no. 5 Andre Aldamar (round 3), 7th ranked Sophia Freed Alison (round 4), Aldrei Palma (round 5), Mar Justine Echalico (round 6) at Meriah Angelica Galido (round 7) tungo sa pagpoposte ng perpektong 7 puntos.
Isang buong puntos sa likod ng kampeon ang topseed na si Azaola na pumangalawa lang dahil sa kartadang anim na panalo at isang talo habang ang 20th seed na si Galido ay nahirang na huling kasapi ng podium. Sa grupo ng Under 16, nakuha nina Einre Mar Abanco, Jan Krishna Dev Salvilla at Kith Haniel Mangoliman ang unang tatlong posisyon.
Samantala, pumangatlo si Grandmaster Wesley So sa malupit na 2020 Tata Steel Masters Chess tilt sa Wijk aan Zee, Netherlands. Tumapos ang tubong Cavite na chesser sa likod nina GMs Fabiano Caruana (USA) at ang inilampaso niya noong World Fischer Random Championships na si Magnus Carlsen (Norway). Dalawang panalo at 11 draws ang naging iskor ni So. Labing-apat na piling mga manlalaro lang ang pinayagang makasali sa torneo.





Comments