Tulong ng Tate sa China: Bakuna vs. nCoV ginagawa na!

Pumalo na sa 132 katao ang nasawi sa China dahil sa 2019 novel coronavirus outbreak.
Kaugnay nito, ayon sa National Health Commission, 1,459 pa ang naitalang bagong kaso kaya umabot na sa 5,974 ang kumpirmadong tinamaan ng sakit sa nasabing bansa.
Kasabay ng patuloy na paglaban sa nCoV ay ang pagkalat naman nito sa mahigit 12 pang bansa.
Samantala, lumilikha na umano ng bakuna ang Estados Unidos laban sa novel coronavirus at handa rin ang gobyerno ng Amerika na magpadala ng sarili nitong mga team sa Wuhan City para kumuha ng ‘raw data’ at aralin ang pathogen ng sakit.
Sa ngayon, nasa proseso na ng pagbuo ng bakuna na tinatayang aabutin ng tatlong buwan bago maumpisahan ang unang trial. At sana, habang umuusad ang pag-aaral ay mapuksa na ang virus, lalo’t halos araw-araw ay nadaragdagan ang bilang ng mga namamatay.
Isang pribadong kumpanya na rin ang nagsabing lumilikha na sila ng bakuna kontra sa sakit tulad ng paggawa ng bakuna laban sa ebola.
Samantala, dito naman sa ating bansa, bagama’t, nakababahala ang pagtaas ng ‘persons under investigation’ o mga pasyenteng pinaghihinalaang tinamaan ng nCoV, nakikita naman natin ang effort ng ating gobyerno at ng mismong taumbayan para ito labanan.
Iniutos na ang pagsasagawa ng pag-aaral at pagsuri kung anong mga mas magandang pamamaraan para masiguro na hindi makapapasok sa bansa ang naturang virus.
Naglunsad na rin ang Department of Health (DOH) ng isang official webpage kung saan mababasa ang mga update o balita hinggil sa nCoV. Sa pamamagitan nito ay malalabanan naman natin ang “fake news”. Mas mainam ito kaysa sa kung anu-anong posts sa social media na hindi kumpirmado na nagdudulot ng takot sa publiko.
Sa ganitong mga pagkakataon, bukod sa dasal, ang pagkakaisa ang isa sa mahalagang bagay na dapat nating gawin upang hindi lumala ang sitwasyon.





Comments