Suspek na may nCoV.. Chinese sa San Lazaro Hospital, pumanaw na
- Madel Moratillo
- Jan 30, 2020
- 1 min read

Isang pasyenteng Chinese na kabilang sa person under investigation dahil sa posibilidad ng 2019 novel coronavirus at nasa San Lazaro Hospital ang pumanaw na.
Ito ang kinumpirma ni Dr. Edmundo Lopez, direktor ng San Lazaro Hospital.
Gayunman, paglilinaw ni Lopez, hindi pa naman kumpirmadong may 2019 nCoV ang nasabing pasyente.
Na-admit aniya ito noong Lunes at namatay kahapon ng alas-7:00 ng umaga dahil sa pneumonia.
Kasabay nito, kinumpirma ni Lopez na nagpositibo rin sa HIV ang nasabing pasyente.
Sinabi naman ni Health Sec. Francisco Duque III na 23 na lamang ang person under investigation nila kaugnay ng 2019 nCoV.
Ayon kay Duque, ito ay matapos umabot na sa apat ang mga pasyente na kanilang inoobserbahan ang na-discharged na, pero kahit na-discharge ay patuloy pa rin umanong mino-monitor ang mga ito.
Sa ngayon, tiniyak ni Duque na nananatiling 2019 nCoV free ang Pilipinas.
Patuloy din aniyang hinihintay ng DOH ang resulta ng pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine at confirmatory test mula sa Australia para sa sample mula sa anim na pasyente.





Comments