top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Diaz, matatag pa-Olympics, naka-3 gold sa World Cup

Gerard Arce
Jan 30, 2020
2 min read

Mas pinatatag pa ni 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ang kanyang puwesto sa Tokyo Olympics matapos magwagi ng tatlong gintong medalya sa nakaraang gabi na 2020 Weightlifting World Cup sa Rome, Italy.

Ibinulsa ng 28-anyos na tubong-Zamboanga City ang mga ginto sa women’s under-55kgs category ng buhatin at pangunahan niya ang 93 sa Snatch at 119 sa clean and jerk para sa kabuuang 212kgs. Sumegunda sa kanya sina Kamila Konotop ng Ukraine na may 196 para sa silver medal at Nouha Landoulsi ng Tunisia na may 194 naman sa Bronze. “Masasabi ko po na itong nakuha kong 3 gold ay symbol of all my sacrifices the TeamHD done during holidays,” pahayag ni Diaz sa panayam ng BULGAR sa social media.

Kailangan na lamang makuha ng Philippine Air Force Sergeant na mapabilang sa top 10 ng kanyang weight class hanggang sa matapos ang qualifying nila hanggang April 30, 2020. “Kailangan po makakuha kami ng mataas na points by that time. Doon pa lamang po malalaman kung sino magka-qualify base sa points na sinalihan,” wika ng 30th SEAG gold medalist.

Kasalukuyang nasa 4th spot si Diaz kasunod ng tatlong Chinese weightlifters na sina Liao Qiuyon, Zhang Wanquiong at Li Yajun. Ngunit, isang manlalaro lamang kada isang bansa ang mailalagay sa listahan ng kuwalipikado sa 2020 Summer Games sa Tokyo, Japan na magsisimula sa Hulyo 24-Agosto 9, kung kaya’t lumalabas na nasa 2nd place ang Pinay weightlifter.

Kinakailangan na lang tapusin ni Diaz ang huling pandaigdigang kompetisyon nito sa Asian Championship sa Kazakhstan sa Abril 16-25 upang mas mapalakas ang tsansa nitong makapasok sa quadrennial meet. “Next preparation po sa Asian Championships para 6-of-6 competitions na ang kailangan ko salihan,” sambit ng 2018 Jakarta-Palembang Asian Games gold medal winner nang buhatin nang kabuuang 207kgs.

Samantala, mas pagtitibayin pa ng Philippine Sports Commission (PSC) ang suporta nito kay Diaz sa pagsusumikap na magkuwalipika sa 2020 Tokyo Olympics. “We are supporting her in her efforts to qualify for the Olympics. She is one of those athletes on whom we are anchoring our dreams for Olympic gold. Congratulations Hidilyn!” ayon kay PSC chairman William “Butch” Ramirez sa inilabas na statement. “We are very proud of her. We expected no less because we see her training and we know she can,” dagdag ng PSC Chief na malaki umano ang kumpiyansa nitong makukuha ng Zamboanga native ang puwesto sa Olympiad.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page