City health worker, patay sa drug operation

Todas matapos umanong manlaban sa pulisya ang isang worker sa City Health Office ng Antipolo sa ikinasang buy-bust operation ng Cavite PIB at Imus Police, kamakalawa ng hapon sa Bgy. Alapan 2, Imus, Cavite.
Kinilala ni PLt. Col. Cristopher Guste, ang suspek na si Roberto Fernandez, residente ng Bgy. San Roque, Antipolo, Rizal at worker sa City Health Office ng Antipolo ayon sa nakuhang ID nito.
Sa ulat ng pulisya, alas-5:00 ng hapon nang ilatag ng operatiba ng Cavite PIB-DET kasama ang PDEA, ang operasyon.
Halagang P1,000 ang iniskor sa suspek at habang nagaganap ang transaksiyon, nakatunog ito na may mga pulis sa kanyang paligid kaya itinulak nito ang kaharap at nagtatakbo patakas habang nagpaputok patungo sa grupo ng pulisya.
Armado ng calibre .45 pistol ang suspek at nakipagbarilan sa pulisya. Ilang minuto pa at nang humupa ang barilan ay walang buhay na tumimbuwang ang suspek.
Kaugnay nito, narekober ang mahigit 50 gramo ng shabu na may halagang P300,000.





Comments