top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

Bawal judgmental! Mga Chinese, ‘wag kondenahin dahil lang sa coronavirus

  • Ryan B. Sison
  • Jan 30, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Huwag magalit sa mga Chinese.

Ito ang paalala sa mga netizen sa harap ng pag-usbong ng 2019 novel coronavirus (nCoV) na nanggaling sa Wuhan City, China.

Maraming mambabatas ang nadismaya tungkol sa umano’y “hate campaign” laban sa mga Chinese sa social media habang patuloy na tumataas ang kaso at namamatay dahil sa nCoV.

Ito ay dahil kasabay ng paglabas ng “fake news” tungkol sa nasabing sakit, dumarami rin ang mga nagpo-post na ‘wag lumapit sa mga banyaga, lalo na sa mga Chinese dahil posibleng may dala itong sakit.

Ayon sa ilang netizens, dapat lang na iwasan ang mga Chinese dahil noon pa man ay dugyot na ang mga ito kaya hindi imposibleng magkasakit sila.

May ilang Filipino-Chinese tuloy na hindi napigilang ma-offend dahil kahit walang sakit ay iniiwasan at pinandidirihan ng mga tao dahil sa kanilang lahi at pisikal na hitsura.

Gayunman, mali at nakadidismaya talaga ang hate campaign laban sa mga Chinese dahil hindi na nga maganda ang sitwasyon doon, inuulan pa sila ng batikos at ginagawang biro ang nakaaalarmang sakit.

Samantala, kasabay ng pagpuri ng mga mambabatas sa ginagawang hakbang ng Department of Health (DOH) para hindi makapasok sa bansa ang naturang virus, nakiisa rin ang mga ito sa panawagan na itigil ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa nCoV.

Alam naman nating walang naidudulot na maganda ang galit, tapos nanghihikayat pa tayo ng iba.

Sa halip na magpakalat ng maling impormasyon at pakikiisa sa hate campaign, bakit hindi natin hikayating maging mas malinis sa katawan ang kapwa natin?

Imbes na gumawa at mag-share ng memes tungkol sa sakit, bakit hindi natin gamitin ang internet sa pagmo-monitor ng mga abiso ng ahensiya ng gobyerno?

Hindi porke banyaga o half-Chinese, dapat nang pandirihan at layuan.

Sino ba ang may gusto na kumalat ang ganitong klase ng sakit? Pare-pareho lang nating gustong mamuhay nang malusog at malayo sa pangamba na magkasakit, kaya please lang, itigil na natin ang pangungutya sa ating kapwa at ‘wag nang dumagdag pa sa mga ikinababahala sa ating bansa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page