Parang GrabFood — Risa.. Sex for sale, isang click na lang

Naging talamak umano ang prostitusyon sa bansa nang dumagsa ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ang lumabas sa pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senadora Risa Hontiveros.
Sa naturang pagdinig, kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang National Bureau of Investigation (NBI) kung may katotohanan ba na naging talamak ang prostitusyon sa bansa mula nang dumagsa ang POGO.
Agad naman itong sinagot ni NBI Deputy Director for Special Investigation Services Vicente de Guzman.
Aniya, iba ang kalakaran ngayon ng sistema ng operasyon sa prostitusyon kung saan idinaraan sa online ang pagkuha ng mga babae at karamihan sa mga kliyente ay pawang mga Chinese na nagtatrabaho sa POGO.
Kaugnay nito, ipinakita naman ni Hontiveros ang screenshot ng chat group ng mga Chinese sa pagbebenta ng mga kababaihan.
Sa palitan ng mga text messages, inaalok ang mga Chinese ng tila mga pagkain sa mga fastfood chain sa halagang P3,000 hanggang P12,000. Lumalabas na kasama rin sa serbisyo ang paliligo, pagmasahe at sex.
Batay naman sa impormasyong nakuha ni Hontiveros, pawang mga menor-de-edad na Pinay ang kinukuha ng mga Chinese na magtrabaho subalit, ibinebenta sila sa mga Chinese customers.
Maaari rin umanong mamili ang mga kliyente ng nationality ng mga babaeng nais na makapiling mula Chinese, Russian at Korean na mula P13,000 hanggang P45,000.
Tulad ng ibinulgar ng NBI, online din ang pag-alok para sa serbisyo na ginagawa sa isang hotel sa Lungsod ng Maynila.
Dagdag pa ng senadora, ibinebenta ang mga babae sa kliyenteng Chinese na parang ino-order sa app.
“‘Yung mga babae parang ino-order lang sa app ng mga Chinese member ng group na ito, parang GrabFood, may menu, may presyo, then darating na lang sa hotel o condo mo,” ani Sen. Hontiveros.





Comments