Paglilinis sa mga bulok na pulis, sana all at forever na!

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Halos ilang linggo nang nabubulabog ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa kabi-kabilang pagsibak o pagsuspinde sa mga pulis at walang sinasanto kahit mga opisyal pa.
Isa sa mga pinakakontrobersiyal ay ang tatlong opisyal na sinibak sa puwesto dahil sa paglalaro ng golf sa oras ng trabaho na matagal nang umiiral sa loob ng PNP.
Kunsabagay, natural lang na maraming gawing pagbabago sa loob ng kapulisan na palagi nating nararanasan sa tuwing may bagong upong PNP chief na agad nagpapasiklab.
Sa pagkakatalaga bilang bagong PNP chief kay Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa ay agad tayong nakaramdam ng mga pagbabago kasama na rin ang pagbabalik sa pagpapaliit ng tiyan ng mga pulis.
At kamakailan lamang ay nagpahayag si Gen. Gamboa na dalawang pulis umano ang nasisibak sa serbisyo kada araw dahil sa isinasagawang internal cleansing program para tuluyan nang malinis ang kabuuan ng PNP.
Pinagbabatayan ni Gen. Gamboa ang natanggal na nilang 90 pulis sa serbisyo sa loob lamang ng nagdaang dalawang buwan bago pa man siya itinalagang chief PNP.
Lumalabas na mahigit 3,000 pulis na ang natanggal nila sa serbisyo mula pa noong Hunyo 2016, kabilang na ang 448 ninja cops na sangkot sa iba’t ibang klase ng pagpapakalat ng ilegal na droga.
Kabilang sa mga nasibak ang 13 pulis na dawit sa kontrobersiyal na drug raid sa Pampanga ngunit na-dismiss ang mga ito sa isa pang panibagong kaso ng extortion na naganap naman sa Antipolo City.
Kasama ring nasibak ang tatlong police majors na nahuli namang nangingikil ng P5 milyon mula sa mga bidders ng mga body cameras para sa mga kaanib ng PNP.
Kapansin-pansin sa mga sinisibak sa puwesto ay matataas ang ranggo at dito ay medyo umaangat na nang bahagya ang tiwala ng sambayanan sa pamunuan ng PNP.
Nitong mga nagdaang linggo ay kapansin-pansin din na sunud-sunod ang mga pagsalakay sa mga night clubs, SPA at iba pang prostitution den kung saan napakarami nang mga babae ang nasagip sa pagbebenta ng panandaliang-aliw.
Binigyang-pansin natin ang bahaging ito dahil karaniwang ginagawa ng mga bagong upong hepe ng PNP ang salakayin at ipasara ang mga ganitong klase ng ilegal na negosyo.
Kasunod nito ay sasalakayin naman ang mga illegal gambling tulad ng jueteng, video karera, sugal-lupa, saklang patay at iba pang pasugal na alam nating lantaran pa rin ang operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaso noong mga nakaraang araw, kaya ito sinasalakay ay upang patigilin pansamantala at kapag nagkaayos na kung magkano ang ilalagay ng mga ilegalista sa pulisya ay tuloy na naman ang ligaya.
Naniniwala tayo kay Gen. Gamboa na seryoso siya sa kanyang ginagawa para mapaganda ang takbo ng PNP at maibalik ang tiwala ng sambayanan na matagal naglaho.
Kung tuluyan nang mawawala ang lahat ng mga ilegal na pasugalan at night clubs na nagpapalabas ng mga hubo’t hubad sa buong bansa ay maniniwala tayong may pagbabago sa PNP.
Kay Gen. Gamboa, sana ay ipagpatuloy mo ang maayos na nasimulan at huwag ka sanang matulad sa mga nagdaang PNP chief na sa simula lang mahusay at bumagsak din sa lingguhang tongpats.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments