Kagawad niratrat ng 2 riding-in-tandem.. 8 yrs. old sapol sa ligaw na bala, patay

Patay ang 8-anyos na lalaki makaraang tamaan ng ligaw na bala habang dalawa ang nasa kritikal na kondisyon kabilang ang isang kagawad na target ng pamamaril ng dalawang riding-in-tandem kamakalawa ng hapon sa Sta. Ana, Manila.
Kinilala ang namatay na si Rhonjay Furio, residente ng Sta. Ana, Manila sanhi ng tama ng bala sa dibdib na hinihinalang tinamaan sa puso.
Inoperahan naman sanhi ng mga tama ng mga bala sa katawan ang biktima na si Kagawad Roberto Cudal, 52, ng Bgy. 775 Zone 84, Sta. Ana.
Habang nasa maayos na kalagayan ngunit, patuloy na inoobserbahan ang isa pang biktima na si Romeo Nicolas, 59, dahil sa tama ng bala sa pigi.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg. John Teody Siguen, alas-4:34 ng hapon nang mangyari ang insidente.
Nauna rito, nakikipagkuwentuhan sa labas ng barangay si Cudal habang katabi si Nicolas at hindi naman umano nakita sa lugar kung saan nagmula ang bata.
Dumating umano ang apat na lalaki na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo nang biglang pagbabarilin si Cudal na agad na tinamaan.
Pinag-aaralan na ng mga pulis ang kuha ng CCTV na nakakabit sa lugar upang malaman kung saan nanggaling ang bata at maging ang mga suspek.
Inaalam naman ng mga imbestigador kung may kinalaman sa trabaho ni Cudal ang motibo ng krimen.





Comments