Esep-esep bago maniwala sa fake news
- Bobi Tiglao
- Jan 29, 2020
- 3 min read
Sa panahon ngayon na maraming panganib sa ating paligid, mahalagang huwag tayong padadala sa mga nananakot at nagkakalat ng mga pekeng balita.
Makinig tayo sa siyensiya at hindi sa mga sinasabi ng mga nagpapanggap lang na may alam sila.
Noong kasagsagan ng pag-aalburoto ng Bulkan Taal, may ilang may topak na nagsabing kumakalat na raw ang magma sa buong Southern Luzon dahil sa pagbibiyak ng lupa sa ilang lugar.
Ang katotohanan ay sa ilang lugar lang sa Batangas nangyari ito at sa kasalukuyan ay kumakalma o humupa na ang pag-aalburoto ng bulkan.
Sa katunayan, ibinaba na sa Alert Level 3 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang sitwasyon ng Taal Volcano. Ibig sabihin, humina na ang paglabas ng sulfur at steam mula sa bulkan at nabawasan na rin ang mga paglindol.
Pero siyempre, kailangan pa ring mag-ingat at makinig sa mga abiso ng awtoridad. Hindi man Diyos ang mga taga-Phivolcs pero sila ang may pinakamaraming kaalaman tungkol sa pagkilos ng mga bulkan. Bigyan natin ang mga taga-Phivolcs ng respeto at pasasalamat sa kanilang serbisyo para sa bayan. Itigil na ang mga pambabatikos at tandaan na dahil sa kanilang abiso, walang namatay sa pagsabog ng Bulkang Taal.
Samantala, sa ibang balita, coronavirus naman ang pinagdidiskitahan ng mga mahilig magkalat ng “fake news”. Ang sakit na ito ay parusa diumano ng Diyos sa mga makasalanang tao sa mundo. Hindi totoo ‘yan, ang mga taong makikitid lang ang utak ang naniniwala sa ganitong mga sabi-sabi.
Ang coronavirus ay sakit na may hawig sa pneumonia — nanggaling diumano sa virus ng isa sa mga “exotic” na hayop na ibinebenta at kinakain sa Wuhan, China.
Ayon sa mga siyentipiko ng Chinese Centre for Disease Control and Prevention, sa pagsusuri nila, nakuha ng mga tao ang virus mula sa mga kakaibang hayop na kinakatay at kinakain sa Huanan Seafood Wholesales Market kung saan makikita at makabibili ng karne ng mga “exotic” na hayop tulad ng ahas, paniki, daga at lobo. Pero sa ngayon ay ipinagbawal na ng mga awtoridad ang pagbenta at pagbili ng mga karne na tulad nito.
Kaugnay nito, bilang pag-iingat, ipina-lockdown na ng gobyerno ng China ang pagpunta at paglabas sa mga siyudad nito at pati na rin ang ilang sikat na lugar sa Hong Kong tulad ng Disneyland at iba pang lugar sa Shanghai at Beijing ay ipinagbawal muna sa mga turista.
May kahalintulad din ito sa Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) na respiratory system din ng tao ang tinatamaan. Sa kasalukuyan, sa China, 81 Chinese na ang namamatay dahil sa coronavirus at nasa 2,744 naman ang kumpirmado sa sakit na ito.
Kumpirmado rin na may ilang kaso ng coronavirus sa Japan, South Korea, Taiwan, Singapore, Thailand, Australia, Nepal, Vietnam, Hong Kong, Macau, Malaysia, Canada, U.S. at France. Pero pagtitiyak ni Health Secretary Francisco Duque III, wala pang kaso ng coronavirus sa Pilipinas.
Sa kabila ng pahayag ng DOH na ‘zero-coronavirus’ ang Pilipinas, may mga nagkakalat ng balita na may isang Chinese raw sa Pilipinas ang tinamaan nito at ito raw ay nasa Metropolitan Hospital ngayon. Hindi ito kinumpirma ng Department of Health (DOH) kaya masasabi nating ‘fake news’ lamang ito.
Gayunman, inaabisuhan ang publiko na mag-ingat lalo na kung pupunta sa matataong lugar. Ugaliing maghugas ng mga kamay at palaging gumamit ng hand sanitizer at face mask.
Ang ilan sa mga sintomas nito ay lagnat, ubo, sipon, respiratory symptoms tulad ng hirap at pangangapos ng hininga. Kung makararanas ng nasabing mga sintomas, huwag nang magdalawang-isip na pumunta agad sa doktor.




Comments