top of page

Utang sa renta ng bahay, puwedeng ibawas sa advance at deposit ng nangungupahan

  • Persida Acosta
  • Jan 28, 2020
  • 2 min read

Dear Chief Acosta, Kamakailan, pinutol ng aming landlord ang linya namin ng tubig at kuryente nang hindi kami nakabayad ng dalawang buwang renta. Nais kong malaman kung legal ba ang ginawa niya kahit mayroon pa kaming isang buwang advance at dalawang buwang deposit? - Alt

Dear Alt, Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa inyong suliranin ay ang Republic Act (R.A.) No. 9653 o ang mas kilala sa tawag na Rent Control Act of 2009. Ayon sa Section 7 ng nasabing batas:

“SEC. 7. Rent and Requirement of Bank Deposit. — Rent shall be paid in advance within the first five (5) days of every current month or the beginning of the lease agreement unless the contract of lease provides for a later date of payment. The lessor cannot demand more than one (1) month advance rent. Neither can he/she demand more than two (2) months deposit which shall be kept in a bank under the lessor’s account name during the entire duration of the lease agreement. Any and all interest that shall accrue therein shall be returned to the lessee at the expiration of the lease contract. In the event however, that the lessee fails to settle rent, electric, telephone, water or such other utility bills or destroys any house components and accessories, the deposits and interests therein shall be forfeited in favor of the latter in the amount commensurate to the pecuniary damage done by the former.” (Binigyang-diin)

Batay sa probisyon ng batas na nabanggit sa itaas, kapag ang nangungupahan ay may pananagutan sa kanyang inuupahan, ang kanyang advance at deposit dapat ang managot. Sa inyong kaso, kayo ay dalawang buwan nang hindi nakababayad ng renta, ngunit, kayo ay may isang buwan namang advance at dalawang buwang deposit pa. Alinsunod sa batas, dapat dito ibinawas ng inyong landlord ang dalawang buwang renta na hindi ninyo nabayaran. Samakatwid, hindi tama ang ginawa niyang pagputol ng linya ng inyong tubig at kuryente.

Makabubuti kung kakausapin ninyo ang inyong landlord tungkol sa inyong suliranin. Pero kung sakali na hindi pa rin kayo magkasundo matapos ninyong maipaliwanag ang inyong karapatan ayon sa nabanggit na kadahilanan ay maaari kayong magtungo sa inyong barangay upang maihain ang inyong hinaing.

Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page