Permanenteng evacuation center sa bawat sulok ng bansa, isinusulong
- Kuya Win Gatchalian
- Jan 28, 2020
- 2 min read

Sa tuwing may sakuna sa bansa, ang mga eskuwelahan ang kadalasang ginagawang evacuation center.
Kaya madalas ding apektado ang pag-aaral ng mga bata lalo na at hindi natin alam kung kailan mananatili ang mga evacuee sa mga paaralan.
Pinakahuling halimbawa nito ay ang kasalukuyang sitwasyon sa Batangas dulot ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Daang libong bakwit ang namamalagi ngayon sa 309 paaralan bilang mga evacuation center sa Region IV-A, ayon sa Department of Education (DepEd).
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mayroon lamang 118 evacuation centers sa Batangas at Cavite.
Talaga namang nakapangangamba ang kawalan ng mga permanenteng evacuation center dahil naaantala ang kalendaryo ng mga estudyante at guro sa klase at kabuuang operasyon ng mga paaralan.
Sa pagbubukas ng ika-18 Kongreso noong Hulyo, 2019, naghain ang inyong lingkod ng panukalang-batas upang maresolba ang suliraning ito.
Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 747 o ang Evacuation Center Act, magtatayo ng permanenteng evacuation center sa bawat munisipalidad at lungsod sa buong bansa upang maging mas maayos, malinis, ligtas at payapa ang mga pamilyang apektado ng anumang sakuna.
Malaking tulong ang panukalang ito para sa mga biktima ng anumang uri ng kalamidad lalo na at hindi nakadisenyo ang mga paaralan para gawing pansamantalang tirahan na walang sapat na gamit.
Sa nasabing panukalang-batas, nakapaloob ang mandato na makikipag-ugnayan ang Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) ng isang local government unit (LGU) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang tukuyin ang angkop na lokasyon ng itatayong evacuation center.
Bukas ang bawat evacuation center sa mga naapektuhan ng bagyo, pagbaha, storm surge, epekto ng tagtuyot, sunog, lindol, pagsabog ng bulkan at iba pang mga malalaking sakuna.
Bukod dito, sisiguraduhin na mayroong tulugan, kainan, paliguan, kusina, tapunan ng basura, clinic area, labahan at lugar upang magpahinga.
Ginhawa, kaayusan, seguridad at pag-iwas sa sakit ang hangad nating lahat kaya nais nating maisulong ang pagkakaroon ng angkop at mas marami pang bilang ng evacuation centers sa bawat sulok ng bansa.
Umaasa tayong maisasakatuparan natin ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments