top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Paiba-ibang oras ng tulog at gising, sanhi ng pagtaba at iba't ibang sakit

Shane Ludovice
Jan 28, 2020
2 min read

Dear Doc, Totoo ba na kapag ang tao ay paiba-iba ang oras ng pagtulog sa gabi at paggising sa umaga ay posibleng magkaroon ng diabetes o sakit sa puso? - Carmie

Sagot Ayon sa pag-aaral na inilabas sa Journal of Clinical Endocrinology & Metabolism, ang pagbabago sa oras ng paggising sa umaga ay nakadaragdag sa panganib ng pagkakaroon ng abnormalidad sa metabolismo ng katawan. Dahil dito, tumataas din ang posibilidad ng pagkakaranas ng mga sakit o kondisyon na may kaugnayan sa metabolismo tulad ng diabetes, sobrang timbang o obesity at iba pang mga karamdaman sa puso.

Ayon sa pag-aaral na isinagawa sa University of Pennsylvania sa Estados Unidos, ang mga taong gumigising nang maaga dahil sa trabaho ay nakapagdudulot ng pagbabago sa circadian rhythm o nakagisnang takbo ng oras na nakaaapekto naman sa normal na paggana ng metabolismo ng katawan. Dagdag pa nila, isa ito sa mga itinuturong dahilan ng pagtaas ng bilang ng taong nakararanas ng diabetes at pagkakaroon ng sobrang timbang.

Isinagawa ang pag-aaral sa 447 indibidwal na may regular o full-time na oras ng trabaho. Sila ay may edad 30 hanggang 54 at binubuo ng 53% na kababaihan. Sa haba ng panahon ng pagsasaliksik, binatayan ang kanilang pagkain, gawain at oras ng pagtulog at paggising sa bawat araw.

Samantala, nasa 85% indibidwal na binantayan ay nakitaan ng pabagu-bagong oras sa kanilang pagtulog at sila ay binansagang “social jet lag”. Ang mga ito ay nakitaan ng iba’t ibang ebidensiya ng abnormalidad sa metabolism tulad ng pagtaas sa lebel ng cholesterol sa dugo, paglaki ng sukat ng baywang, pagtaas ng timbang at pagtaas din ng resistensiya sa insulin kumpara sa 15% ng indibidwal na may maayos na tulog.

Ang resulta ng kanilang pag-aaral ay maaaring maging basehan ng mga susunod pang pag-aaral sa hinaharap na tumatalakay din sa kaugnayan ng pagbabago sa circadian rhythm ng tao at normal na takbo ng kanyang metabolismo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page