top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagdami ng ilegal na manggagawang Chinese, nakaaalarma

  • Mylene Alfonso
  • Jan 28, 2020
  • 2 min read

Nakaaalarma at nababahala na ang karamihan ng mga Pilipino sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga manggagawang Chinese sa bansa, lalo na’t nasasangkot ang mga ito sa krimen nitong mga nakalipas na buwan.

Ang pinakahuling naiulat ay ang tangkang pagdukot sa isang 18-anyos na Pinay ng anim na kalalakihang Chinese sa Makati nitong nakaraang linggo.

Gayundin, sa pag-aaral na ginawa ng Social Weather Stations (SWS) noong ika-27 hanggang ika-30 ng Setyembre nitong nakaraang taon, lumabas na nasa 70% ng mga Pilipino na edad 18 pataas ang siyang nababahala sa pagdami ng Chinese na nagtatrabaho sa bansa.

Sa ulat na inilabas ng Department of Tourism (DOT) noong Hunyo, 2019, lumalabas na umabot ng 139,177 turistang Chinese ang pumasok sa bansa noong Abril, 2019 na siyang nangunguna sa listahan ng mga dayuhang dumalaw sa bansa.

At marami sa nasabing mga dayuhan ay nagtatrabaho sa iba’t ibang negosyo sa bansa, kabilang na ang mga kontrobersiyal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Dahil dito, iginiit ni Senadora Grace Poe na dapat maging mahigpit ang Department of Labor and Employment (DOLE), gayundin ang Bureau of Immigration (BI) sa pag-iisyu ng visa dahil maraming Chinese ang pumapasok sa bansa bilang turista ngunit, magtatrabaho pala.

Tulad na lang ng natuklasan sa pagdinig sa Senado noong 2018 na siyam sa sampung illegal foreign workers sa Pilipinas ay nagmula sa China.

Base naman sa impormasyong nakuha ni Senador Joel Villanueva, base mula sa National Bureau of Investigation (NBI), 95 porsiyentong dayuhang naaresto ay mga Chinese national.

Gayunman, nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat hayaan lamang magtrabaho ang mga Chinese sa bansa dahil kung hindi ay maaaring malagay umano sa peligro ang kabuhayan ng daang libong Pilipino na nasa China.

Sa pagpahayag nito ng pangulo ay tiyak na lalong daragsa ang mga Chinese na magtatrabaho sa bansa.

Sa pangyayaring ito, dagdag pa sa pangamba ng mga Pilipino ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Chinese na sangkot sa krimen tulad ng ilegal na droga, prostitusyon at kidnapping.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page