Hinihinalang tinamaan.. 3 Chinese, 11 pa may sintomas ng coronavirus

Tatlong Chinese nationals umano na hinihinalang tinamaan ng novel coronavirus infection ang isinugod kahapon sa San Lazaro Hospital sa Maynila.
Ayon kay Dr. Ferdinand De Guzman, spokesperson ng San Lazaro Hospital, kanila pa itong kukumpirmahin at kasalukuyang nasa quarantine ang tatlong persons under investigation.
Nabatid na dalawa sa tatlong Chinese nationals ay nanggaling sa Wuhan, China kung saan nag-umpisa ang naturang virus.
Aniya, isa sa tatlong PUIs ay nakaramdam ng hirap sa paghinga. Sinabi ni De Guzman na hinihintay pa nila ang resulta ng test makaraang ipadala sa RITM ang samples ng tatlong PUIs upang malaman kung SARS o MERS ang tumama sa kanila.
Dagdag pa ni De Guzman, kapag negatibo ang resulta saka pa lamang nila ipadadala sa Melbourne, Australia ang samples para malaman kung anong strain ng coronavirus ang tumama sa mga PUI kabilang na ang 2019 NCoV.
Samantala, inianunsiyo ng Department of Health (DOH) na nasa 11 katao ang kanilang mino-monitor bilang pag-iingat sa 2019-NCoV makaraang makakitaan ng mga sintomas ng naturang sakit.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III, na pawang dayuhan ang PUIs at nasa mga ospital.
“Karamihan dito mga Chinese, mga iba may kaunting Brazilian, American, German. Four nationalities,” ani Duque.
Dalawa sa kanila ang nagpapagamot sa Metro Manila, tigatlo sa Western at Central Visayas at tig-isa naman sa Mimaropa, Northern Mindanao at Eastern Visayas.
Kinuhanan din ng samples ang mga PUI saka ipinasuri sa Research Institute for Tropical Medicine.
Nabatid na ang mga iniimbestigahan umano ay may travel history sa Wuhan sa China, na ground zero ng outbreak ng bagong uri ng coronavirus.
Sa kabila nito, kinumpirma ni Duque na wala pa ring kumpirmadong kaso ng NCoV sa Pilipinas.
Hinihintay pa umano ng DOH ang resulta ng isinagawang pagsusuri sa mga PUI ng Research Institute for Tropical Medicine.





Comments