top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Future ng mga Pinoy, apektado sa pagkansela sa U.S visa si Sen. "Bato"

  • Korina Sanchez
  • Jan 28, 2020
  • 2 min read

Ano ang koneksiyon ng kanselasyon ng U.S. visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa Visiting Forces Agreement (VFA)?

Ito ang tanong ng marami sa atin. Magkasinghalaga ba ang pagpunta ni Sen. Dela Rosa sa Amerika at ang pagpunta ng mga sundalong Kano sa ating bayan para makapagbigay ng seguridad at tulong kung kinakailangan?

Batay sa Konstitusyon, kailangan ng 2/3 na boto ng Senado bago mapayagan ang pangulo na baguhin ang anumang kasunduang sinang-ayunan ng bansa. Ang VFA ay kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa, samantalang, ang visa ay pahintulot lamang na makapasok ang indibidwal sa isang bansa. Kung may lehitimong dahilan kung bakit ayaw na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang VFA ay linawin niya nang sa gayun ay matalakay ito nang maayos sa Senado.

Hindi porke kinansela ang visa ng kanyang kaibigan na puwede namang mag-apply muli ay magdedesisyon na siya sa bagay na may malaking epekto lalo na sa hinaharap ng ating bansa.

Kaugnay nito, may iba pang kasunduan ang Estados Unidos at Pilipinas, ang Mutual Defense Treaty (MDT) at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ang mga ito ay may kinalaman sa pagdepensa sa isa’t isa kung may manlulupig.

Sa totoo lang, matagal na nating kaalyado ang U.S. pero nang maupo si Pangulong Duterte ay tila unti-unti niyang inilayo ang Pilipinas sa U.S. kasabay ng pakikipagkaibigan nito sa China at Russia. Ito ba ang mga susunod na babawiin ng pangulo kapag may ginawa ang gobyerno ng U.S. na hindi niya nagustuhan? Paano naman ang nais at kapakanan ng mamamayan, partikular ang susunod na henerasyon na pinakamaaapektuhan ng anumang desisyon ng nangyari ngayon?

Sa totoo lang, kung ‘tiwala’ lang ang pag-uusapan, karamihan sa mga Pinoy ay mas may tiwala sa U.S. kumpara sa China. Marahil, ito ay may kinalaman sa mga kontrobersiya at krimen na may kinalaman ang mga Chinese tulad ng pagkakasangkot sa ilegal na droga, prostitusyon at iba pang gawain, gayundin ang pananakop nito sa ilang teritoryo ng bansa at ang ilang ulat ng pambu-bully sa mga kababayan nating mangingisda.

Matagal nang kaalyado ng ating bansa ang Estados Unidos kaya hindi ito dapat basta na lang maputol dahil lamang may ‘kaibigan’ ang pangulo na hindi napagbigyan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page