top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Robocop, kampeon sa Music City Tournament

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Jan 27, 2020
  • 2 min read

Hinirang na kampeon si Dennis “Robocop” Orcollo ng Pilipinas sa 2020 Music City Midnight Madness Tournament bago nito hinablot ang runner-up honors sa 9-Ball Open Division sa palaruan ng Job’s Billiards Club sa Madison, Tennessee.

Halagang $4,000 ang naibulsa ni Orcollo, Southeast Asian Games 10-Ball king at dating world 8-ball champion, matapos niyang daigin si Jonathan Hennessee para sa korona ng midnight madness na bakbakan.

Sampung panalo sa isang dosenang salang sa mesa ang ginamit na armas ng tubong Sorsogon na manunumbok upang makuha ang pangalawang puwesto sa 9-Ball Open. Nasa listahan ng mga biktima sina Wilson Dorsey, Barry Mashburn, Jesus Atenio, Billy Young, Francisco Bustamante, Jonathan Hennessee, Josh O’neal, John Gabriel, Josh Roberts at ang kababayang si De Luna noong semifinals. Ang unang pagkatalo ng dating Pinoy world champion ay nasaksihan ang magkaharap sila ni Shane McMinn sa winners’ bracket nung preliminaries. Sa championship face-off naman, kinapos na si Orcollo sa tikas ni eventual titlist Skyler Woodward. Karagdagang $2,600 na pabuya ang tinanggap ni Robocop dahil sa pagiging segunda.

Sa kabilang dako, sumakay si Jeffrey De Luna, kaagapay ni Carlo Biado nang maging segunda ang Pilipinas sa prestihiyosong World Cup of Pool noong nakaraang taon sa Leicester, United Kingdom, sa kartadang 6-2 panalo talo para maselyuhan ang pagkuha ng pangatlong puwesto sa 9-Ball Open sa likod ni Orcollo. Nabiktima niya sina Tim Hart, Tim Miller, Mike Gann, Greg Sandifer, Hennessee at BJ Ussery sa kaganapang umakit ng 127 cue artists. Si De Luna ay nakapag-uwi ng pakonsuwelong $1,700 dahil sa pagiging 3rd placer.

Samantala, sasargo sa Bacolod ngayong Pebrero 3 hanggang 14 ang Senator Manny Pacquiao 10-Ball Valentines Open.

Halagang P150,000 ang naghihintay sa singles champion habang magbubulsa ng P200,000 ang mga mangingibabaw sa doubles event. Kabilang sa mga makikibahagi sa P1-M cash pot ay ang mga papasok sa top 16 ng dalawang dibisyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page