Para-Athlete Dumapong, lubos ang pasalamat sa PSC
- Gerard Arce
- Jan 27, 2020
- 1 min read

Ang pagtanaw ng malaking pasasalamat sa pamunuang nagbigay ng pangkabuuang suporta ang tanging maibabalik ng mga atletang Filipino sa tatlong dekadang paglilingkod ng ahensiya ng pampalakasan ng bansa. Higit pa sa pasasalamat ang nais iparating ni Para-Powerlifting veteran Adeline Dumampong-Ancheta sa Philippine Sports Commission (PSC) para sa pagbibigay ng suporta rito sa mga nagdaang taon ng paglahok sa pandaigdigang kompetisyon, lalo na sa ASEAN Para Games.
“Malaking bahagi ang PSC sa buhay ko. Kung bakit ako nabigyan ng pagkakataon na makapag-compete sa iba’t ibang international competitions,” wika ni Ancheta na nagsimulang lumahok sa powerlifting noong 1997.
Dumalo ang 46-year-old para-powerlifter sa ipinagdiwan na ika-30th anibersaryo ng PSC sa bagong-bihis na Rizal Memorial Coliseum (RMC) noong Biyernes, nagkaroon ng isang simpleng programa, nagmisa at may maigsing presentasyon sa pagbibigay ng pagkilala sa mga empleyado ng ahensya at makabuluhang pananalita ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez at mga commissioners.
Limang beses nang lumaban si Dumapong-Ancheta sa Paralympic Games sa 2016 Rio de Janeiro sa Brazil, habang nakapagbulsa ito ng tansong medalya sa 2018 Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia. Dahilan upang umangat ang kanyang buwanang allowance mula sa P27,000 patungong P36,000 noong Abril 2018.
Ang Pinay Para-powerlifter na mula Kiangan, Ifugao, ang naging kauna-unahang Filipino para-athlete na nagwagi ng medalya sa Summer Paralympic Games sa Sydney, Australia noong 2000.





Comments