Pagsabog ng Taal volcano, pagsubok para mas kumapit ang tao sa Diyos
- Fr. Robert P. Reyes
- Jan 27, 2020
- 2 min read
Kumusta na ang kalagayan ng mga kababayan nating naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal? Sa ngayon, nakikita natin ang kaliwa’t kanang pagtulong ng mga kababayan natin, hindi lamang sa loob ng ating bansa kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
Pero sa kabila nito, marami tayong naririnig na daing mula sa mga kababayan natin sa evacuation centers kabilang ang kakulangan ng supply ng inuming tubig, mga gamot, higaan, malinis at maayos na palikuran, paliguan at marami pang iba.
Ito ang dahilan kaya karamihan sa kanila ay gusto nang umuwi sa kani-kanilang tahanan. Bukod pa rito, nag-aalala ang karamihan, partikular ang mga nagmamay-ari ng mga alagang hayop tulad ng manok, baboy, kabayo, kambing, aso at iba pa na hindi sinasadyang maiwan noong kasagsagan ng sapilitang paglikas.
Noong Huwebes at Biyernes ay nagtungo kami sa ilang apektadong lugar. Sumama kami sa isang kaibigang pari sa command center sa bayan ng Laurel. Nakadaupang-palad at sa kaunting panahon ay nakausap namin ang mayor at vice-mayor ng Laurel na kapwa babae. Nakita namin nang malapitan ang kongkretong problema ng mga bakwit sa ‘evacuation center.’
Bumaba kami sa gym ng malaking resort kung saan pansamantalang nanunuluyan ang ilang bakwit ng Laurel. Punumpuno ang gym pero napansin naming madilim at kulang ito sa bentilasyon.
Tinanong namin ang mga tao sa labas ng gym kung saan ang kanilang palikuran. Sinamahan kami ng ginang at itinuro ang nakasaradong pinto, “‘Yan po ang kaisa-isang CR na ginagamit ng humigit-kumulang 500 tao rito.”
Itinuro rin niya sa amin sa kabila ang anim na portalets, “‘Yan po ang anim na urinals namin.”
Kung merong 24-oras sa isang araw, ilang oras ang maaaring ibigay sa mga bakwit na paisa-isang gagamit ng kasilyas para tugunan ang “tawag ng kalikasan”?
Kinabukasan, mapalad kaming nakasama kay Archbishop Gilbert Garcera at ilang kasapi ng Kontemplatibong Kongregasyon sa evacuation center. Pumunta muna kami sa Barangay Tranca ng Talisay, deklaradong locked down area. Nakalulungkot pagmasdan ang kapaligiran. Walang tao, pero napakaraming aso, pusa at manok na naiwan ng kani-kanilang may-ari.
Pagkatapos ng ilang minuto ay pinabalik na kami ng mga nagbabantay na sundalo kaya sa loob ng ilang minuto ay tumuloy na kami sa Padre Pio Shrine. Noong dumating kami ay punumpuno ng mga bakwit ang Padre Pio Shrine sa Sto. Tomas. Marami kaming nakitang donasyon na sapat sa loob ng ilang araw, ang mga madre at iba pang volunteers ay abala sa patuloy at tila hindi napapagod na pagbibigay ng relief goods sa mga bakwit.
Sa pakikihalubilo namin sa kanila, madalas nila kaming tanungin, “Sa tingin po ninyo, father, titigil at tuluyan na po bang tatahimik ang Bulkang Taal?”
Una, kailangan ang malalim at siyentipikong pang-unawa sa nangyayari sa kalikasan, partikular na sa ilalim ng lupa. Pangalawa, kailangang magkaroon ng malalim at pangmatagalang pananaw at pagtugon sa krisis ng kalikasan at sangnilikha, ito ang turo ni Papa Francisco sa Laudato Si.
Gayunman, huwag tayong mabulag sa panganib at hamong ito dahil malaki o nakalulungkot man ang epekto nito, magtiwala tayo na hindi nagpapabaya ang Diyos. Kailanman ay hindi tayo pababayaan ng Diyos.





Comments