top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Fake news na nasa Pilipinas na ang coronavirus, mas mabilis kumalat kesa sa sakit

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 27, 2020
  • 1 min read

Kasabay ng patuloy na pagtaas ng kaso ng novel coronavirus, kumakalat naman ang iba’t ibang balita na hindi na natin malaman kung totoo o hindi.

Ang masaklap, mas mabilis pang kumalat ang “fake news” kesa sa virus na walang ibang hatid sa publiko kundi takot.

Tulad ng isang mensahe na kumakalat online na nagbibigay-babala matapos magpositibo raw sa coronavirus ang isang Chinese na nasa bansa. Nakasaad pa rito na naka-quarantine na umano ang nasabing pasyente.

Umiikot ang impormasyong ito habang iginigiit ng gobyerno, partikular ng Department of Health (DOH) na “novel coronavirus free” ang Pilipinas. Marami umanong inobserbahan pero walang nagpositibo habang may ilan pang mino-monitor.

Kung ang hangarin natin ay makatulong o mailigtas ang ating mga kababayan mula sa sakit o anumang masasamang pangyayari, puwede natin itong gawin nang responsable. Ilapit natin sa mga awtoridad o sa mga taong nasa posisyon na higit na nakaaalam kung paano ito maipararating sa publiko nang maayos at malinaw.

Sa totoo lang, sa panahon ngayon, hindi lang kalamidad, sakit o problema sa gobyerno ang kinahaharap natin kundi pati ang namamayagpag na fake news. Lahat na lang ng isyu ay hinahaluan ng gulo at kalokohan. Kapalit ng ano, makapagpapansin lang? Hindi ganu’n kababaw.

Ang pag-imbento ng maling impormasyon ay gawain ng mga walang konsensiya na hindi na naisip na puwedeng magkagulo o may mamatay. Kaya nananatiling hamon sa ating mga opisyal kung paano malalabanan ang “fake news” at mapananagot ang mga nasa likod nito. At kung may mahuli, bigyan ng pinakamalupit na parusa nang hindi pamarisan!

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page