top of page
Korina Sanchez-Roxas - IG.jpg

BuCor, may pag-asa pa, ‘wag lang magpakain sa sistema

  • Bong Revilla
  • Jan 27, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Marami ang natutuwa sa nakikitang pagbabago sa pamamalakad ng Bureau of Correction (BuCor) matapos maitalaga si BuCor Chief Gen. Gerald Bantag bilang bagong mamumuno.

Marami na ang nabigo sa pamamalakad ng BuCor na ilang buwan lamang ay kinakain na ng umiiral na sistema sa loob ng bilangguan at dalangin nating huwag matinag ang prinsipyo ni Gen. Bantag.

Matatandaang, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gen. Bantag dahil sa laki ng tiwala rito na mababago niya ang paulit-ulit na sitwasyon sa BuCor na talamak ang anomalya.

Napakalaking hamon para kay Gen. Bantag ang posisyong ito kung saan napakarami umanong drug lords ang kasalukuyang nakapiit sa BuCor na responsable sa patuloy pa ring operasyon ng pagpapakalat ng ilegal na droga sa buong bansa.

Nahaharap din si Gen. Bantag sa problema hinggil sa budget sa pagkain ng mga preso na umano’y sangkaterba rin ang anomalyang nakapaloob na dapat ayusin sa loob ng madaling panahon at maiwasan ang korupsiyon.

Kamakailan, nagsagawa ng sorpresang ‘Oplan Galugad’ na pinangunahan mismo ni Gen. Bantag, bandang alas-5 ng madaling-araw habang nasa kasarapan ng tulog ang mga bilanggo.

Sa sorpresang pag-atake ay nakarekober ng P80,000 cash, cellphone, playing cards, USB/cable wire, mga patalim at pakete ng shabu na nakasilid sa kahon ng posporo.

Alam ni Gen. Bantag na paulit-ulit na ang ginagawang paggalugad sa mga preso at paulit-ulit din na may nakukuhang kontrabando pero naniniwala siya na itong pinakahuli ay matutukoy na niya ang mga nasa likod nito.

Marami ang umaasa sa pahayag ni Gen. Bantag na magsasagawa siya ng mas malalim na imbestigasyon para matiyak kung sino sa kanyang mga tauhan ang nasa likod ng pagpasok ng mga kontrabando sa piitan.

Hindi natin siya personal na kakilala ngunit, dahil sa laki ng tiwala sa kanya ng pangulo ay maraming kababayan natin ang umaasang maisasaayos niya ang BuCor.

Apat na taon at anim na buwan ako sa Camp Crame Custodial Center, high-profile inmates ang mga kasama ko although, higit na maayos ang palakad sa Custodial Center kumpara sa mga detention, city jail at New Bilibid Prison (NBP) pero pareho pa ring kulungan.

Nakita ko ang mga kakulangan kaya nasa loob pa lamang ay inihanda ko na ang panukalang-batas upang gawing propesyunal ang Jail Management and Corrections Administration upang matulungang iresolba ang napakalaking problema ng ating bansa hinggil sa sistema ng ating kulungan.

Umuusad na ngayon ang isinumite nating Senate Bill No. 910, “An Act to Professionalize the Practice of Prison Management and set for that purpose the Qualifications for Superintendents of the National Prison System and Wardens of Provincial, City and Municipal Jails” na siyang mag-aayos sa sistema at pamamahala sa mga kulungan.

Kung magiging batas ito sa mga susunod na araw ay malaking tulong ito sa pamunuan ng BuCor para tuluyan nang maayos ang umiiral na sistema at alam kong dahil sa mga tamang tao ay malaki ang pag-asa ng BuCor na maisaayos. Kaya kay Gen. Bantag, huwag kang magpatalo sa mga bigtime na nakakulong sa BuCor, nasa likod mo lang kami!

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page