Lola kulong sa “PWD ID For Sale”

Kalaboso ang 58-anyos na lola dahil sa pagbebenta umano ng pekeng Person with Disability ID at iba pang pekeng dokumento sa Valenzuela City.
Kinilala ang dinakip na si Elizabeth Katigbak, ng Dulong Tangke, Malinta, na nahaharap sa kasong falsification of public documents.
Sa nakarating na ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Carlito Gaces, alas-11:00 ng umaga nang dumulog sa City Social Welfare Development Office ang biktimang si Lucita Cortez, 59, upang beripikahin kung tunay ang hawak nitong PWD ID at CSWDO Notification Letter for Pension.
Matapos suriin ng social worker na si Ma. Evan Grace Perez Carmelo ang mga dokumento ni Cortez ay naberipikang huwad ang mga ito. Nang tanungin si Cortez kung saan galing ang mga hawak nitong dokumento ay inilahad niyang galing ito kay Katigbak at binayaran niya ng P500 ang ID at P750 ang notification letter.
Natiyempong naroon din si Katigbak sa opisina ng CSWDO at humihingi ng medical assistance kaya inaresto ito ng mga pulis na hiningan ng tulong ni Carmelo.





Comments