Nag-test drive, hindi na nakabalik.. Ahente ng kotse pinatay ng 2 karnaper
- Janice Baricuatro
- Jan 25, 2020
- 1 min read

Bangkay na at halos hindi na makilala dahil sa unti-unti nang naaagnas ang katawan ng isang buy-and- sell car agent na natagpuan sa liblib na bahagi ng Coastal Bay Subd., Bgy. San Rafael 4, Noveleta, Cavite, kahapon ng umaga.
Nakagapos, nakapiring at may tatlong tama ng bala sa katawan ang biktimang si Manuel Tolentino na unang nawala noong Enero 21 sa Imus, Cavite, matapos magpanggap na bibili ng Toyota Hilux ang mga suspek na nagpakilalang miyembro ng CIDG.
Mula sa Auto Zone Car Dealer sa Imus ay sinamahan ng biktima na i-test drive ang SUV ala-1:30 ng hapon pero hindi na ito nakabalik.
Kuwento pa ng misis ng biktima, nakatawag pa sa kanya ang mister bandang alas-6:30 ng gabi ng nasabing araw at sinabing dadalhin umano siya ng mga kasama sa Crame dahil may kaso umano siya at piniringan ng mga ito at pagkatapos ay hindi na ito muli pang nakontak ng pamilya.
Enero 22 nang ma-locate ng Cavite-CIDG ang nakaw na SUV na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek na sina Mahdie Mangotara alyas Justine at Edgardo del Rosario na umaming binaril nila ang nakaposas at nakapiring na si Tolentino bago inabandona sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay nito kahapon.
Narekober sa kanila ang 9mm pistol, mga bala, granada, ang tinangay na Toyota Hilux (UHI 761) at Toyota Vios (ZFW 196) at t-shirt ng CIDG.
Patung-patong na kaso ang kahaharapin ng mga suspek na mga miyembro umano ng Mangotara Crime Group na responsable sa mga carnapping, robbery at holdup sa NCR at buong probinsiya ng Cavite.





Comments