Palaging naka-earphone, mas madaling magkatutuli

Dear Doc Shane, Natatandaan ko noong bata pa ako, malambot o parang basa ang texture ng tutuli ko kaya mas madali itong linisin. Ngayon, napansin ko, medyo matigas at ang hirap na nitong alisin sa pamamagitan ng cotton buds.
Ipinasilip ko ang tainga ko sa husband ko, ang sabi niya, parang may something daw na nakabara sa loob na tila namuong tutuli. Ano ang mabuting gawin dito kasi naaapektuhan na nito ang pandinig ko? - Sunny
Sagot Ang mga tutuli ay secretion ng maliliit na glandulang nasa balat ng outer canal ng tainga at ang trabaho nito ay protektahan ang ating eardrum at pinananatili itong elastic.
May ibang tao na nagse-secrete ng basang tutuli at ang iba naman ay tuyo. Kapag basa ang tutuli, magiging habambuhay nang ganito ang earwax secretion ng taong ‘yun dahil may genetic predisposition dito.
Kapag sobra ang secretion ng glandula, nabubuo ang parang brownish-yellow na tutuli na tumitigas lalo na sa mga taong tuyo ang tutuli. Puwedeng mabarahan nito ang canal at magdulot ng biglaang pagkawala ng pandinig na maaari pang lumala.
Ang mga taong mas madaling magkatutuli ay ‘yung mga nagtatrabaho sa maalikabok at mainit na lugar at ‘yung madalas gumamit ng earphone.
Kadalasang ginagawa kapag matigas ang tutuli, nagpapatak muna ng langis tulad ng baby oil, mineral oil sa apektadong tainga at hintaying lumambot ang tutuli at unti-unti itong dukutin ng maliit na instrumentong parang kutsara ang dulo (cerumen spoon).
Kapag intact ang eardrum ng pasyente o walang butas, ang tainga ay puwedeng linisin sa pamamagitan ng pag-i-irrigate ng maligamgam na tubig.
Habang ipinapasok sa tainga ang tubig sa pamamagitan ng irrigating syringe ay may nakasahod na palanggana dahil sasama sa tubig ang impacted earwax palabas ng tainga. Maipapayo natin na magpatingin ka sa ENT para masilip ang tainga mo at sila ang maglilinis nito upang makasigurado.





Comments