top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Schrock, bumida sa panalo ng Ceres Negros sa AFC

  • A. Servinio
  • Jan 23, 2020
  • 2 min read

Photo: foxsportsph / Ceres-Negros

Binuhat muli ni kapitan Stephan Schrock ng bumibisitang Ceres Negros ng Pilipinas kontra sa Port FC ng Thailand, 1-0, sa Round 2 ng 2020 AFC Asian Champions League preliminaries sa punong PAT Stadium Martes ng gabi. Dahil dito nanatiling buhay ang mga kampeon ng Philippines Football League (PFL) na kanilang inaasam na makalaro sa pinakamalaking torneo ng mga club sa Asya sa Bangkok, Thailand.

Tinanggap ni Schrock ang maigsing corner kick mula sa kanan at pumasok ang goal sa ika-51 minuto. Naging sapat ang nag-iisang goal at lalong hinigpitan ng Busmen ang kanilang depensa na may halong munting swerte.

Pinasok ng Port si Adisak Kraisorn ng pambansang koponan ng Thailand sa ika-55 minuto at patuloy ang kanilang mga atake para makuha ang pang-tabla. Nagtayo ng pader si goalkeeper Roland Muller at sa tulong ng mga kakampi ay matagumpay nilang napigil ang lahat ng mga tangka ng Port na bumalik sa laban. Walang naitalang goal sa unang half at ginamit ni Coach Risto Vidakovic ang parehong 11 na manlalaro na nagsimula laban sa Shan United ng Myanmar sa kanilang 3-2 na panalo noong nakaraang linggo sa Rizal Memorial Stadium. Pisikal ang tema ng laro ng Port at ilang beses pinabagsak sina Schrock at Super Herrera kaya napilitan palitan ang bugbog na Kastila ni Joshua Grommen sa simula ng pangalawang half at mahusay niyang pinuno ang naiwang puwang sa depensa.

Susunod para sa Ceres ang FC Tokyo sa Ajinomoto Stadium sa Japan ngayong Enero 28. Makakalaban nila ang koponan na pumangalawa sa 2019 J1 League at ito na ang magsasabi kung makakapasok ang Busmen sa ACL sa unang pagkakataon para harapin ang mga higante. Laro sa Martes – Ajinomoto Stadium, Tokyo 6:00 FC Tokyo vs. Ceres Negros.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page