top of page

Paghahanda sa pagputok ng bulkan, dapat na ring ituro sa mga estudyante

  • Kuya Win Gatchalian
  • Jan 23, 2020
  • 2 min read

Noong nakaraang linggo, nagkaroon tayo ng pagkakataong mabisita ang mga apektadong lugar sa mga Lungsod ng Batangas, Lipa, Sto. Tomas at Tanauan, maging sa munisipalidad ng San Jose, Cuenca, Mataas na Kahoy at Malvar sa probinsiya ng Batangas.

Nakita natin ang kondisyon ng mga pamilya roon at napakinggan ang nakalulungkot nilang mga karanasan dahil sa pag-alburoto ng Bulkang Taal.

Maliban sa ashfall, nakaranas din sila ng mga pagyanig. Nagbabala rin ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maaaring magdulot ng volcanic tsunami ang pagsabog ng Bulkang Taal.

Sa kabila nito, nakita rin natin ang pag-asa sa mga mata ng mga residente at ang determinasyong makabangon mula sa kalamidad na ito.

Hindi tayo titigil at lalo pa tayong dapat maging handa, maingat at mapagmatyag ngayon dahil kasalukuyang nananatili sa Alert Level 4 ang bulkan. Ibig sabihin, may posibilidad na magkaroon pa rin ng malaking pagsabog sa mga susunod na oras at araw, ayon sa Phivolcs.

Dahil dito, bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, hinihimok natin ang Department of Education (DepEd) na planuhing maigi ang pagresponde sa mga maaapektuhang paaralan kung sakaling tuluyan nang umabot sa “explosive eruption” ang Bulkang Taal.

Hindi natin ito hinahangad na mangyari ngunit, kung umabot man sa ganitong pagkakataon at lumala ang pag-ulan ng abo sa mga apektadong lugar, mahalagang may plano tayo at makapaglatag ng emergency response para sa kapakanan ng mga mag-aaral, mga guro at pati na ‘yung iba pang nagtatrabaho sa mga eskuwelahan lalo na kapag nagbukas na ulit ang klase.

Dapat maging handa ang mga estudyante anumang oras. Base sa pinakahuling datos ng DepEd, mahigit 7 milyong mag-aaral sa 7,500 na eskuwelahan ang apektado ng aktibidad ng bulkan.

Mahalagang makipag-ugnayan ang mga paaralan sa kanilang mga lokal na pamahalaan na unang tumutugon sa panahon ng mga sakuna para sanayin hindi lamang ang mga estudyante kundi ang mga teaching at non-teaching personnel ng eskuwelahan.

Siyempre, hindi rin dapat mawala ang regular na pagsasagawa ng safety drills — sa isang school year ay apat na fire drills, dalawang earthquake drills at isang drill para sa iba pang mga sakuna tulad ng pagputok ng bulkan.

Ang ilang mga nabanggit ay kabilang sa layon ng isinumiteng panukalang-batas sa Senado na Senate Bill No. 736 o Disaster Preparedness in Schools Act na inaasahan nating maipapasa ngayong ika-18 Kongreso.

Tandaan, kahandaan ang unang magliligtas sa atin mula sa kapahamakan. Kasama sa pagbibigay ng magandang kinabukasan ng kabataan ay ang pagtutok sa kanilang kaligtasan at seguridad.

Kaya mainam na habang bata pa, mamulat na agad sila sa tamang aksiyon kapag dumating ang kalamidad, lalo na kung malayo sa kanilang mga tirahan at wala silang kasamang mga magulang o nakatatanda sa kanila.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page