top of page

Ipinanganak sa Year of the Rat, kusang yayaman kahit simpleng buhay lang ang gusto

  • Maestro Honorio Ong
  • Jan 23, 2020
  • 2 min read

Bulgar Horoscope

Ituloy natin ang pagtalakay ngayong taong 2020 kung saan ayon sa Chinese Astrology, ang 2020 ay taon ng animal sign na Rat, gayundin ito ay paghaharian ng elementong metal o bakal. Bukod sa metal o bakal ang namamayaning elemento ngayong taon, mamamayani rin ang animal sign na Rat na nagtataglay ng likas na elementong tubig.

Sa pagkakataong ito, tatalakayin naman natin ang likas na katangian ng Rat, partikular silang mga isinilang sa mga taong 1912, 1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008, 2020 at 2032.

Ang animal sign na Rat ay siya ring zodiac sign na Sagittarius sa Western Astrology na pinaghaharian ng planetang Jupiter. Dagdag pa rito, Rat ang mapalad sa direksiyong hilaga (north), higit lalo sa ala-1:00 ng madaling-araw.

Sinasabing higit na mapalad ang mga Rat na isinilang sa day time (araw), higit lalo sa panahon ng tag-araw (summer) kung ikukumpara sa Daga na isinilang sa night time (gabi), higit lalo kung siya ay isinilang sa panahon ng taglagas, tag-ulan o tag-lamig.

Ang Rat ay likas na mabait, matulungin at palakaibigan, kaya hindi ka magtatakang matagpuan mo sa bahay ng isang Rat na naninirahan ang kanyang mga malalapit na kaibigan, kamag-anak o kapitbahay na nangangailangan ng kanyang tulong at ayuda.

Sa ganitong ugali ng Rat na likas na matulungin sa mga taong nangangailangan, lalo naman siyang sinusuwerte at pinagpapala ng langit.

Ang nakatutuwa pa sa Rat, sobrang hilig niyang mamili at may pagkamagastos. Kumbaga, ang isa sa mga paboritong libangan ng Rat ay ang mag-shopping at mamili sa mga sikat at mamahaling supermarket.

Kung malilimitahan lamang ang ganitong ugali, ang Rat ay ubod na ng yaman dahil kung hindi magiging sobrang gastos, mas marami siyang maiipon para sa kanyang future.

Relaks, nangunguyakoy, kinakagat-kagat ang kuko, hinahawak-hawakan ang ilong at buhok at minsan ay hindi mapakali ay ilan lamang sa wala sa loob (unconsciously) na pamosong ugali ng isang tipikal na Rat.

Dagdag pa rito, kilala rin sa pagiging masipag sa trabaho at matulungin sa kanyang kapwa manggagawa ang Rat kung saan kadalasan, hindi niya iniiwanan ang trabaho nang hindi pa tapos.

Kung naghahanap ka naman ng napakaambisyosa o ambisyosong nilalang, matatagpuan mo ito sa Rat. Ang totoo pa nito, kahit hindi ka mag-ambisyon, likas na sa Rat ang marating ang kanilang matataas at maluluhong pangarap sa ayaw at sa gusto nila.

Halimbawa, kung ikaw ay may kaibigang Rat na namumuhay nang simple, bilang ina ng tahanan, magugulat ka, lilipas ang ilang mga panahon, ang simpleng buhay na ito ay biglang uunlad, yayaman, magkakaroon ng sasakyan, mga ari-arian, mamahaling alahas, maraming savings at magandang bahay kahit sabihin pa ng ina ng tahanan na ito na, “Ang gusto ko ay simpleng pamumuhay lamang,” pero wala siyang magagawa sa sobrang ganda at maunlad na kapalarang ipagkakaloob sa kanya ng langit, sa ayaw at sa gusto niya.

Ang ikinaganda pa sa Rat, hindi lang niya alam kung ano talaga ang kanyang gusto, sa halip, alam din niya ang paraan kung paano niya kukunin ang bagay na kanyang ginusto at ang dagdag pang ikinaganda nito, tulad ng nasabi na, sa ayaw at sa gusto niya, langit na mismo ang magbibigay sa kanya ng maalwan, masarap at maginhawang pamumuhay habang siya ay nagkakaedad.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page