Tulong-pinansiyal ng SSS sa mga biktima ng bagyong Ursula, puwede kahit mga OFWs
- BULGAR

- Jan 21, 2020
- 4 min read
Dear SSS, Nabasa ko na nagbibigay kayo ng tulong-pinansiyal para sa mga nasalanta ng Bagyong Tisoy? Isa kami sa mga biktima ng Bagyong Ursula noong nakaraang Pasko. Anong tulong ang inilalaan ng SSS para sa mga naapektuhan ng Bagyong Ursula? Mayroon bang tulong-pinansiyal na maaaring maibigay sa amin tulad ng sa Bagyong Tisoy? — Manong Larry
Sagot Nais naming ibalita sa inyo, Manong Larry, na simula noong Enero 15, 2020 ay tumatanggap na ang SSS ng aplikasyon para sa Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensiyunado na nasalanta ng Bagyong Ursula noong nakaraang Pasko. Tulad ng CAP para sa Bagyong Tisoy, ang CAP para sa mga nasalanta ng Bagyong Ursula ay kinapapalooban ng calamity loan, three-months advance pension at Direct House Repair and Improvement Loan.
Maaaring mag-apply dito ang mga miyembro at pensiyunado na naninirahan o may ari-arian sa mga lugar na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity bunsod ng nasabing bagyo. Ang mga lugar na ito ay ang mga lalawigan ng Eastern Samar at Leyte, kabilang ang mga sumusunod na munisipalidad: San Jose sa Occidental Mindoro, Kalibo at Malay sa Aklan, Libertad at Pandan sa Antique, Sigma sa Capiz, Carles at Concepcion sa Iloilo, Madridejos sa Cebu at Daram sa Samar.
Makahihiram ang miyembro ng katumbas ng kanyang one monthly salary credit batay sa average monthly salary credit niya sa nakalipas na 12 buwan. Ang monthly salary credit ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan na aabot sa P20, 000. Ito ay hiwalay na pautang sa regular na salary loan kaya ang mga miyembro na may natitirang utang sa salary loan ay maaari pa ring mag-apply nito. Maaari itong bayaran ng installment sa loob ng 24 na buwan o dalawang (2) taon.
Maaaring mag-apply sa calamity loan ang mga miyembro kung sila ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan na siya ay nakapagbayad na ng 36 buwanang kontribusyon kung saan ang huling anim (6) na hulog ay naibayad sa huling 12 buwan bago ang pagpa-file ng aplikasyon at nakatira sa mga binanggit na calamity areas at nawalan o nasira ang mga ari-arian sa naturang lugar. Maaari rin dito ang mga miyembrong may pag-aari o may tahanan sa mga nabanggit na lugar. Dapat hindi pa nabibigyan ng anumang final benefit tulad ng total disability o retirement benefits at walang outstanding balance o binabayaran na utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program o naunang Calamity Loan Assistance Program. Kung employed naman, kinakailangang ang kanyang employer ay updated sa pagbabayad ng kanilang mga kontribusyon at loan payments sa SSS.
Maaari ring mag-apply ng calamity loan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Kinakailangan na siya ay residente ng mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity. Kung nasa abroad, kinakailangang mag-isyu siya ng authorization letter sa sinumang magpapa-file ng kanyang calamity loan application sa Pilipinas.
Nagbibigay din ang SSS ng tulong-pinansiyal sa mga miyembro na nasira ang kabahayan sa ilalim ng Direct House Repair and Improvement Loan Program. Hanggang P1 milyon ang maaaring hiramin dito. Maaaring makapag-apply ang mga miyembro na hindi hihigit sa 60 taong gulang at nakapaghulog ng hindi bababa sa 24 buwan kontribusyon kung saan ang tatlo nito ay naihulog sa loob ng 12 buwan bago ang pagpa-file ng aplikasyon. Dapat din ay hindi pa nakakuha ng mga naunang house repair o improvement loan at hindi pa nabibigyan ng anumang final benefit tulad ng total disability o retirement benefits.
May interest na 8% kada taon para sa utang na may halagang aabot sa P450, 000 at 9% kada taon naman para sa utang na mula P451, 000 hanggang P1 milyon. Bibigyan din ang borrower ng anim na buwang moratorium sa pagbabayad at hindi na rin sisingilin ang 1% na processing fee.
Samantala, maaaring mag-avail ng three-months advance pension ang mga pensiyunado na nasalanta ng bagyo. Kinakailangan lamang magpakita sila ng barangay certification bilang patunay na sila ay naninirahan sa nasalantang lugar na idineklara ng NDRRMC.
Tatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa Calamity Assistance Program nito sa Bagyong Ursula hanggang Abril 14, 2020. Samantala, ang aplikasyon para sa Direct House Repair and Improvement Loan ay hanggang Enero 14, 2021.
Sa mga interesadong miyembro at pensiyonado, maaaring mag-file ng aplikasyon sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Maaaring i-download ang mga kaukulang application forms, barangay certification at authorization letter sa SSS website sa www.sss.gov.ph.
◘◘◘
Nais naming ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar para sa inyong mga aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang (2) taon.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments