top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Pagkuha ng kapitbahay sa mangga na nahuhulog sa bakuran nila, hindi pagnanakaw

Persida Acosta
Jan 21, 2020
2 min read

Dear Chief Acosta, Ako ay may-ari ng puno ng mangga at ang ilan sa mga sanga nito ay nasa labas na ng aking bakuran. Kapag humangin nang malakas ay kusang nahuhulog ang mga bunga nito sa labas ng aking bakuran at ito ay kinukuha ng aking mga kapitbahay kahit pagbawalan ko sila. Maaari ko ba silang ireklamo ng pagnanakaw kaugnay nito? - Nels

Dear Nels, Para sa iyong kaalaman, ang mga elemento ng pagnanakaw o krimen na theft ay nakasaad sa Article 308 ng Revised Penal Code kung saan nakasaad na:

“Article. 308. – Who are liable for theft. – Theft is committed by any person who, with intent to gain but without violence against or intimidation of persons nor force upon things, shall take personal property of another without the latter’s consent.”

Kaugnay nito, binigyang-linaw sa Article 681 ng New Civil Code of the Philippines na ang mga prutas na nahulog nang natural sa katabing lupain ay pag-aari ng may-ari ng nasabing lupain:

“Article. 681. Fruits naturally falling upon adjacent land belong to the owner of the said land.”

Ang pagnanakaw (theft) ay pagkuha ng pag-aari ng ibang tao nang walang pahintulot sa huli. Samakatwid, ang inyong mga kapitbahay ay hindi ninyo maaaring kasuhan ng pagnanakaw sapagkat malinaw sa ating batas na sila ang itinuturing na may-ari ng mga bungang mangga na natural na nahuhulog sa kanilang lupain.

Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page