Adamson, tinilad ang UST sa UAAP HS basketball

Pinadapa ng Adamson University ang University of Santo Tomas, 81-70 upang makamit ang ikalawang sunod nilang panalo noong Sabado sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 High School Girls’ Basketball Tournament sa Paco Arena.
Namuno si team captain Crisnalyn Padilla sa nasabing panalo ng Lady Baby Falcons sa itinala nitong 20 puntos, 9 assists, 4 steals at 2 rebounds.
Nakalamang ng 20 puntos sa halftime, hindi na nabulabog sa kanilang pangingibabaw ang Adamson hanggang lubusang makopo ang tagumpay na nagluklok sa kanila sa solong liderato.
“Good job sa players kasi lahat ng tinuro namin especially ‘yung play kasi nae-execute nila ‘yung play. Nae-execute nila yung good defense,” wika ni Adamson coach Ewon Arayi.
Muling nagtapos na topscorer si Erika Danganan sa nabigong Junior Tigresses na bumaba sa patas na barahang 1-1, panalo-talo sa itinala nitong game-high 25 puntos at 12 rebounds.
Sa isa pang laban, humanay ang De La Salle-Zobel sa win column matapos durugin ang Ateneo High School, 105-36.
Pinangunahan ni Jeehan Ahmed ang Junior Lady Archers sa iniskor na 19 puntos, 5 rebounds at 2 assists.
Solo namang tumapos si Andrea Sarmiento na may double digit para Lady Eaglets sa itinala nitong 22 puntos.





Comments